New Clark City, quarantine site para sa mga Pinoy na uuwi mula sa China, naka-lockdown na

  • New Clark City sa Tarlac isinailalim sa lockdown
  • Ang Athlete’s Village sa loob ng New Clark City ang gagamitin bilang pansamantalang quarantine site ng mga Pinoy na uuwi mula sa Wuhan City
  • Tiniyak ng DOH na walang dapat ipangamba ang mga komunidad na nakapaligid sa New Clark City

Inanunsyo ng New Clark City na isinailalim ito sa lockdown kasunod ng pahayag ng Department of Health (DOH) na iyon ang gagamitin bilang pansamantalang quarantine site ng mga Pilipinong uuwi mula sa China.

Imahe mula sa New Clark City Facebook page

Ayon sa Facebook page ng New Clark City, ang lockdown ay sinimulan noong Huwebes, ika-6 ng Pebrero. Tiniyak din nito na ang lahat ng mga preventive measures ay ginagawa para sa mga kababayang uuwi ng bansa, sa buong New Clark City at mga kalapit na mga komunidad.

Sa isang press briefing, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na ang New Clark City na nasa Capas, Tarlac ay inalok ng Bases Conversion and Development Authority bilang quarantine site ng mga Pinoy na manggagaling sa Wuhan City, Hubei Province, ang epicenter ng 2019 novel coronavirus (nCoV).

Pamamahalaan umano ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Tiniyak ni Sec. Duque na walang dapat ipangamba ang mga residente ng mga kalapit-bayan ng New Clark City.

“Nag-usap kami ni President and CEO Vince Dizon ng BCDA, ila-lock down naman daw nila kaya walang problema sa pangamba na baka malagay sa alanganin ang mga komunidad. Pero kung iisipin mong maigi, iintindihin natin ‘yung nature nung virus e ito naman hindi katulad ng measles, ng TB, chicken pox na nasa hangin. Wala hong tiyansa na ito ay makahawa sa mga kababayan natin sa mga karatig barangay. So, huwag ho kayong mangangamba,” pagtitiyak ng kalihim.

Imahe mula sa BCDA

Nasa 45 ang kumpirmadong Pinoy na nais umuwi ng bansa mula sa Wuhan City. Bago sila pasakayin sa eroplano ay susurin sila kung  may sintomas ng nCoV. Ang sinumang may sintomas ay hindi pauuwiin. Dadalhin sila sa mga ospital sa China, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Civilian Security and Consular Concerns Brigido Dulay.

Ang first batch ng mga uuwing Pinoy ay inaasahang darating sa Linggo ng umaga, ika-9 ng Pebrero. Didiretso sila sa Athlete’s Village sa New Clark City kung saan sila isasailalim sa 14-day quarantine.

Imahe mula sa New Clark City

Loading…