Nostalgia: Paglalagay ng asul na tina sa pisngi kapag may beke, ginagawa pa ba?

  • Isa sa mga tipikal na “sakit” ng kabataan noon ang pagkakaroon ng beke o mumps
  • Ang ginagawang alternatibong lunas dito ay ang pagpapahid ng asul na tina, na minsan ay nilalagyan pa ng suka, sa pisnging maumbok
  • Ayon sa mga eksperto, mali umano ang nakagawiang panggagamot na ito na nakasanayan ng mga Pinoy

Isa sa mga karamdaman na kinatatakutan ng mga batang 90’s, at maaaring hanggang kasalukuyan, ay ang pagkakaroon ng beke o mumps. At isa sa mga solusyon at itinuturing na lunas para dito ang paglalagay ng asul na tina sa apektadong pisngi.

Kaya naman, isang netizen na nagngangalang “Thoto Cruz” ang nagbahagi nito sa Facebook page na “Memories of Old Manila” na nagmula naman sa page na “Batang Pinoy–Noon at Ngayon”.

Tinanong niya sa kaniyang Facebook post kung naranasan rin ba ng ibang mga netizens ang pagpapahid ng asul na tina sa beke noong kabataan nila.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Sagot ng isa, “Oo naman, yung tina hinahaluan ng suka tapos kukuha si Tatang ng bahay ng bubuyog, yung nakadikit na parang tuyong lupa sa mga dingding sa probinsya, dudurugin at ihahalo sa tina, tapos ipapahid sa beke!”

“Nilagyan din ako niyan noong elementary pa ako dahil sa beke, para akong tinubuan ng balat na kulay–asul, pero effective talaga kahit may amoy,” patotoo naman ng isa.

Sabi naman ng isa, “Totoo man iyan o hindi, masaya akong naranasan kong malagyan niyan dati noong may beke ako… yung bahay ng bubuyog na kinuha pa sa bahay ng lola ko tapos nilagyan ng tina at suka.. ayun katalo na… gumaling naman pero hindi ko maalala kung dahil ba nga ba sa tina.”

Pero epektibo nga ba ang paglalagay ng asul na tina, suka, at bahay ng bubuyog sa pagpapagaling ng beke?

Ayon sa mga eksperto, hindi dapat “tina at suka” ang inilalagay sa beke. Mali umano ang nakagawiang panggagamot na ito na nakasanayan ng mga Pinoy. Mas mainam pang lagyan ng ice pack o cold compress ang bahagi ng mukha na namamaga. Nararapat din itong ipakonsulta sa manggagamot upang malapatan ng akmang medisina.

Public Domain Image

Ang beke ay isang impeksyon na nakaaapekto at nagiging sanhi ng pamamaga ng isa sa mga bahagi ng katawan na lumilikha ng laway — ito ang nasa parotid salivary glands. Matatagpuan ito sa likod ng pisngi na nasa gitna ng tenga at panga kaya ito ang nagiging dahilan ng pag-umbok ng isang parte o gilid ng mukha.

Lubhang madaling kumalat at makahawa ang sakit na ito sa pamamagitan lamang ng talsik ng laway, paggamit ng anumang utensils o kubyertos na ginagamit ng may beke, o anumang bagay na nasayaran o natalsikan ng laway ng taong may beke.

Loading…