Nostalgia: Pagtulog sa tanghali o siesta, naranasan mo ba noong bata ka pa?

  • Naghatid ng nostalgia ang larawang ibinahagi sa isang Facebook page 
  • Larawan ito ng mga batang natutulog sa hapon o “siesta” na karaniwang ginagawa noon
  • Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens

Isa sa mga hindi malilimutang karanasan ng sinumang nagdaan sa pagkabata ang pagtulog tuwing hapon. Pagkatapos makapananghalian, ang mga batang 80’s at 90’s ay kinakailangang matulog sa hapon o tinatawag na “siesta” sa wikang Espanyol.

Iyan ang pinaalala at ibinahagi ng Facebook page na “Pilipinas” na naghatid ng nostalgia sa mga netizens. Ayon sa caption, “Ganito kami matulog sa tanghali noong wala pang gadgets. May nakabantay pang tsinelas…”

Imahe mula sa Facebook page na Pilipinas

Hindi naman napigilan ng mga netizens na magbigay ng komento hinggil dito. Nagsalaysay sila ng kani–kanilang mga karanasan.

“Aprub na aprub po! Haha! Ang sarap kaya matulog… magtulug–tulugan, hehe! Kapag nauna pa yung bantay matulog, dahan–dahan tayo, sabay alis sa higaan at maglaro sa labas!” kuwento ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Ang sarap sa feeling niyan lalo na kung tanghali, medyo malamig pa ang klima noon. Totoo yan, naranasan ko iyan, ipinipikit ko lang yung mga mata ko pero yung tenga, gising para may meryenda kahit ngayon, ganyan yung mga bata sa probinsya natutulog kapag tanghali.”

“Those were the days na talagang required matulog ang mga bata sa tanghali, para lumaki raw. Kapag hindi natulog, palo ang katapat. Yung kapitbahay namin, laging nagkakaiyakan pagdating diyan, hanggang sa nakakatulog na lang ang mga bata sa antok dahil mugto na ang mga mata nila,” sabi ng isa.

Public Domain Image

“Noon, nagagawa pa iyan. Ngayon, puro gadgets ang hawak ng mga bagets, at parang hindi kayang bitiwan,” saad naman ng isa.

Ang pagtulog sa tanghali o “siesta” ay namana natin mula sa mga Espanyol. Nagmula ito sa salitang Latin na “hora sexta” o “sixth hour” na nangangahulugang pamamahinga sa kalagitnaan ng araw, o bandang hapon pagkatapos ng pananghalian. Sa mga bata, mahalaga umano ang pagtulog sa hapon upang mapabilis ang paglaki at tumangkad.

Loading…