Nostalgic na sayawan: 90s dance groups na UMD, Manoeuvres, at Streetboys, nagpasaya sa isang concert

  • Nagsama-samang muli ang mga sikat na 90s dance group para sa isang concert
  • Dinaluhan ito ng UMD, Manoeuvres, Streetboys, Abztract Dancers, at ibang sikat na 90s dance group
  • Special guest din nila ang mga galing dance groups na sina Vhong Navarro at Dingdong Dantes

Bahagi ng dekada 90s ang malalaking dance groups. Ang mga grupong ito ay nagpasikat ng maraming sayaw at dance steps na naging malaking bahagi ng buhay ng ilang Pilipino. Hanggang sa kasalukuyan nga ay sinasayaw pa rin ang mga awiting pinasikat nila at itinuturing na bilang mga iconic dance music.

At ngayong 2020, naganap ang pinakamalaking dance concert sa bansa dahil nagsama-sama ang mga pinakasikat na dance group noong 90s. Pinangunahan ng mga dating miyembro ng Universal Motion Dancers (UMD), Manoeuvres, at Streetboys ang reunion show na Panahon Ko To: 90s Dance Concert na ginanap sa Vertis Tent sa Quezon City.

Larawan mula sa Instagram account ni Joshua Zamora

Sinayaw ng bawat grupo ang kanilang mga pinasikat na sayaw at dance steps na tinilian naman ng kanilang fans. Nagpasiklab ang mga sikat na miyembro ng Streetboys sa pangunguna ni Vhong Navarro at Danilo Barrios. Ipinamalas nila na kahit ilang taon na matapos ang pamamayagpag ng kanilang grupo ay kaya pa rin nilang gawin ang kanilang acrobatic stunts.

Present din si Joshua Zamora at ang kanyang grupo na Maneouvres na muling inihataw ang sikat nilang sayaw tulad ng Macarena, Rumpshaker, Informer, at Sweet S0ul Revenue ng Pizzicato Five. Nagpakitang gilas din ang grupong UMD at sinayaw ang kanilang iconic dance moves sa awiting Always at Dying Inside.

Maliban sa tatlong malalaking grupo, present din sa nasabing memory lane concert ang iba pang sikat na 90s dance group tulad ng X People, Big Brothers, White Regal Hitmen, BMG Dancers, SOP Dancers, Kidz at Work.

Sumali rin sa Panahon Ko ‘To concert ang dance group na Abztract Dancers kung saan nadiskubre ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes. Dumalo ang aktor sa concert at nakisayaw pa sa kanyang dating grupo. Naroon din ang pinsan ni Dingdong at isa ring aktor na si Arthur Solinap na masayang pinanood ng asawang si Rochelle Pangilinan.

Larawan mula sa Panahon Ko ‘To Facebook page

Nagkaroon din ng special guests ang concert maliban sa mga 90s dance group. Nag-perform din ang singer na si Lei Bautista ng bandang Prettier Than Pink, at ang Maestro na si Andrew E. Dumalo rin si Yorme Isko Moreno na nagtanghal ng sariling bersiyon ng Dying Inside.

Dahil sa matagumpay na reunion concert, umaasa ang fans na magkakaroon pa ng second leg ang Panahon Ko ‘To show ng mga sikat na 90s dance group sa bansa.

Panoorin ang isang bahagi ng concert:

Congratulations guys! We did it!

Posted by 90s Panahon Ko 'To on Friday, January 31, 2020

Loading…