Original “Willie Girls” na sina Luningning, Milagring, Mariposa, Congrats, Saicy at iba pa, nag-reunion sa Wowowin

  • Bongga ang naging opening number ng unang episode ng Wowowin Primetime
  • Nag-reunion kasi sa show ang mga original dancers at hosts ni Willie Revillame
  • Sila na rin ang magsisilbing co-host ni Willie sa Saturday edition ng Wowowin

Namayagpag ang mga noontime shows na kinabilangan ni Willie Revillame, hindi lamang dahil sa mga papremyong ipinamimigay at ang masasayang segments na mayroon ang mga ito. Naging matagumpay din ang kanyang mga nakaraang game show dahil sa mga nakasama niya na lalong nagbigay kulay at pananabik sa mga manonood.

Ilan sa mga ito ay ang kanyang mga naging dancers na tumatak sa mga manonood. Dahil sa husay sa pag-indak, pagho-host, at pagpapatawa na rin, nagkaroon ng malaking pangalan ang mga original ‘Willie Girls’ o nakilala bilang Wowowee Dancers, ASF Dancers, WW.Girls, at Wiltime Bigtime Girls.

Larawan mula sa YouTube video ng Wowowin

At sa pag-uumpisa ng Wowowin Primetime, nagkaroon ng malaking paandar ang show sa pamamagitan ng isang pangmalakasang reunion ng mga naging dancers noon ni Willie. Wala pa ring kupas ang pagsasayaw nina Luningning, Milagring, Mariposa, Saicy, Congratulations, Monette, Steph, Cha, Pak, at si Lovely Abella.

Matapos ang opening number, inilahad na rin ni Willie na ang kanyang mga dating dancers ang magsisilbi na rin niyang co-host sa Saturday edition ng Wowowin kung saan mapapanood ang talent competition segment na The Will to Win.

Nasurpresa din ang lahat sa paglabas mula sa audience ng isa pang dating co-host ni Willie at Kapamilya comedienne na si RR Enriquez. Dito ay nakipagsabayan siya ng English sa iba pang original Wowowee ladies na naging tatak ng pagpapatawa ni RR noon.

Proud na proud rin na nanonood ang choreographer ng mga naging dance groups ni Willie na si Anna Feliciano. Siya ang nasa likod ng mahuhusay na production number noon ni Willie mula nang umeere pa ang show niya sa ABS-CBN at TV5.

Larawan mula sa Instagram account ni Saicy Aguila

Habang isinusulat ang balitang ito, trending na ang video na ito ng Wowowin sa YouTube. Umani lang naman ito ng higit 900,000 views isang araw matapos i-upload. Nagparating naman ng pasasalamat sa production team ng Wowowin ang netizens dahil sa ibinigay nilang break sa mga dating dancers ni Willie.

Na-miss daw nila ang mga signature moves at phrases ng mga dancers ni Willie na talaga namang ginaya ng maraming fans nila noon. Hindi pa rin daw kumukupas ang galing sa paghataw ng mga ito kahit ilang taon na ang lumipas.

Panoorin ang reunion ng mga original Willie Girls sa video na ito:

Loading…