Pagpuri ng mga guro, nakagaganda sa behavior ng mga estudyante ayon sa isang pag-aaral

  • Lumabas sa isang pag-aaral na nakatutulong umano sa pagganda ng behavior o asal ng isang bata ang madalas na pagpuri ng guro
  • Mas napasusunod raw kasi ng guro ang kanyang mga estudyante kung napupuri ng guro kaysa napagagalitan
  • Ngunit sinabi rin sa pag-aaral na kailangan din umano ang mga pangaral ngunit dapat ay mas madalas ang pagpuri lalo na sa mga bata

Naging mainit ang usapin noong nakaraang taon patungkol sa mga magulang na nagpunta sa show ni Raffy Tulfo upang ireklamo ang isang guro na pinalabas ang isang makulit na estudyante. Umani ito ng sari-saring reaksyon at sinabi ng karamihan na hindi dapat ireklamo ang isang guro sa pagpaparusa nito sa isang estudyante lalo na kung may nagawang hindi maganda.

Ngunit sa isang pag-aaral na ginawa ng mga guro sa United States, hindi raw ang pagsesermon o pagpaparusa sa mga mag-aaral ang makapagpapatino sa mga ito.

Ayon sa inilabas nilang ulat sa website na Taylor-Francis Online, nalaman daw nilang ang pagbibigay ng papuri ng mga guro sa kanilang estudyante ay nakatataas ng tsansa na magkaroon ito ng magandang asal.

Larawan mula sa Pexels

Ginawa ng lupon ng mga guro ang pag-aaral sa iba’t ibang paaralan mula sa iba’t ibang state sa US. Nasa 2,536 na estudyante ang kanilang inobserbahan sa loob ng tatlong taon. Ang mga mag-aaral ay nasa kindergarten hanggang grade 6.

Lumabas daw sa kanilang pag-aaral na kapag mayroong “verbal indication of approval” o papuri na natatanggap ang isang mag-aaral, nakakikitaan ito ng pag-unlad sa kanyang asal o mas madali itong nakikinig sa mga bagay na iniutos mo sa kanya, kabilang ang pagiging behave sa loob ng klase.

Mas nararamdaman daw kasi ng mga bata na para sa kanilang kabutihan ang paggawa ng tama kaya naman kapag napupuri, nalalaman daw ng mag-aaral na dapat niya itong ulitin. Nakita rin sa pag-aaral na mas malaki ang pagkakataon na hindi makinig ang bata kung lagi itong nasisigawan o naparurusahan.

Sinasabi rin ng pag-aaral na hindi naman dapat papuri na lamang ang ibigay. Kahit sino naman daw ay napupuno at nawawala ang pasensya kung minsan. Pero kailangan daw, nasa 3:1 o 4:1 ang praise at reprimand ratio upang makita ang magandang epekto nito sa kabataan.

Larawan mula sa Pexels

Mayroon ding payo ang mga eksperto sa pagbibigay ng kritisismo sa mga bata lalo na sa kanilang mga output sa paaralan. Kailangan daw munang mag-umpisa sa greater points ng bata sa kanyang ginawa upang malaman nitong hindi puro kamalian ang ginawa.

Pagkatapos maipaliwanag ang magagandang aspeto ng kanyang gawa, dahan-dahan daw na isa-isahin ang mga bagay na kailangang paunlarin pa upang maging mabuti ang kanilang gagawin sa susunod. Sa ganitong paraan daw ay mas matatandaan ng bata sa positibong paraan ang mga pangaral.

Loading…