Pagtanggap at pagmamahal: Andrea Torres, nagkuwento tungkol sa kapatid na may Down syndrome

  • Ang Down syndrome ay isang kondisyon kaugnay sa pagkakaroon ng depekto sa chromosomes ng tao
  • Ibinahagi ng aktres na si Andrea Torres ang kaniyang mga karanasan bilang ate ng kapatid na may ganitong kondisyon
  • Napakahalaga ng agarang pagtanggap at pagmamahal ng mga magulang at ng buong pamilya sa kanilang kapamilyang may ganitong kondisyon

Alam n’yo  ba na ang Pebrero ay itinalaga bilang Down Syndrome Consciousness Month sa Pilipinas? Kaugnay rito ang tinalakay na paksa sa isang segment ng programang Mars Pa More! ng GMA 7 kung saan naging panauhin si Andrea Torres.

Ibinahagi ni Andrea ang kaniyang mga karanasan bilang ate ng kapatid na si Kennette. Si Kennette ay may Down syndrome.

Imahe mula sa Instagram account ni Andrea Torres

Bata pa lamang si Andrea ay marami na siyang katanungan hinggil sa kondisyon ni Kennette — kung bakit hindi ito nakapagsasalita o nakapaglalakad.

Nang lumabas sa sinapupunan ng kaniyang ina ang kapatid, nagdesisyon na raw agad ang mga magulang nila na huwag nang sundan si Kennette.

“Actually noong lumabas siya, nag-decide ‘yung parents ko na ‘wag nang sundan para lahat ng atensiyon namin ay nasa kaniya,” paliwanag ni Andrea.

“Tapos, talagang nag-heart to heart [talk] kami para ma-feel talaga namin na may responsibilidad kami forever — na  kahit anong mangyari talagang lahat kami ay kailangang pagtulungan namin siya [na alagaan],” dagdag ng aktres.

May autismo din umano ang kaniyang kapatid kaya ibayong pang-unawa, pasensiya, at pagmamahal ang ibinibigay nila rito.

Para kay Andrea, napakahalaga na maging aware ang mga tao tungkol sa kalagayan ng mga may Down syndrome. Hindi rin umano tayo dapat mainis sa ating kapamilyang may ganitong kalagayan.

Imahe mula sa Pixabay

Dagdag pa ng aktres, kung ano lamang ang itinuro sa mga mga taong may ganitong kondisyon ay iyon lamang din ang kanilang alam. Mine-memorize din daw ng mga ito ang kanilang mga kilos at ginagawa itong routine.

“Kapag mag-i-introduce ka ng bago, kailangan dahan-dahanin mo. Kailangan lagi ka ring aware sa katawan niya, sa nangyayari sa kaniya. Kasi minsan, feeling mo nagta-tantrums lang, may nararamdaman na pala siya. Hindi lang niya masabi kasi hindi siya nagsasalita,” dagdag niya.

Likas din sa mga taong may ganitong kondisyon ang pagiging malambing at mapagpasalamat.

Napakahalaga rin na sa simula pa lamang ay tanggapin na agad ng mga magulang kung may ganitong kondisyon ang kanilang anak.

Source :

GMA News

Loading…