Pamilyang Chinese huli sa video na sadyang nagpapahid ng dura sa elevator button

  • Isang pamilyang Chinese nagdulot ng panic sa Nanning, China
  • Nakuhanan ng video na sadyang nagpahid ng dura ang isa sa pamilya sa elevator button
  • Nahuli na ang suspek at sinentensyahan na makulong ng 10 araw

Habang ang lahat ay ginagawa ang kanilang makakaya upang mapanatili ang kalinisan para mapigilan ang pagkahawa o pagkalat ng 2019 novel coronavirus (nCoV), isang pamilyang Chinese ang kabaligtaran naman ang ginawa.

Screenshot mula sa video ng Sinchew

Nasuklam ang mga netizens sa ginawa ng nasabing pamilya na nakunan ng security camera sa loob ng elevator na sadyang nagpunas ng dura sa elevator button. Hindi malinaw kung bakit nila ginawa iyon. Kung anuman ang kanilang dahilan, lalo lang nilang pinalalala ang malala nang sitwasyon sa China.

Nangyari umano ang insidente sa Hengxian County, Nanning.

Simula nang kumalat ang nCoV sa Wuhan City, maraming mga elevator sa China ang nilagyan ng disposable tissue dispenser upang magamit ng mga sasakay ang tissue kapag pipindutin ang elevator button. Ginawa ito sa layuning makontrol ang pagkalat ng virus

Sa unang bahagi ng video ay makikita ang isang babae na gumamit ng ilang tissue upang pahiran ang kanyang ilong at bibig. Makikitang itinapon niya lang sa sahig ang ginamit na tissue.

Nang tumigil ang elevator ay sandaling lumabas ang babae at pagbalik niya sa elevator ay may tatlo na siyang kasama – isang babae at dalawang lalaki. Ang isa sa mga lalaki ay kumuha ng tissue at dumura doon bago ipinahid sa elevator button. Tatlong beses niyang ginawa iyon.

Screenshot mula sa video ng Sinchew

Agad kumalat ang video sa isang social media platform sa China at nahuli ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Jiang Mouhui. Agad naman nitong inamin ang ginawang kalokohan.

Wala namang ubo at sipon ang suspek, ayon sa pagsusuri ng doktor, kaya walang posibilidad na nakapagpakalat siya ng nCoV. Wala rin siyang history na lumabas ng Hengxian County sa nakalipas na 14 days at walang anumang contact sa mga tao mula sa Wuhan.

Magkagayunpaman, nagdulot ng panic ang ginawa niya kaya sinentensyahan siya na makulong ng sampung araw.

Source :

Sinchew, YouTube

Loading…