Panagbenga Festival ng Baguio, tuloy na ngayong Marso pero ilang aktibidad sa Cordillera hindi na isasagawa pa

  • May bago nang schedule ang Panagbenga Festival matapos itong makansela
  • Gagagwin na ito sa buwan ng Marso, iba sa nakasanayang pagdiriwang tuwing Pebrero
  • Gayunman, may mga aktibidad at kaganapang hindi na gagawin pa dahil sa problema sa schedule

Isa sa mga pinakahihintay na pista sa Pilipinas ay ang Panagbenga Festival sa Baguio tuwing Pebrero. Ang pagdiriwang na ito ay literal na makulay dahil ito ay ang pagdiriwang ng panahon ng tagsibol ng mga bulaklak sa rehiyon ng Cordillera.

Ngunit dahil sa banta ng COVID-19, unang nakilala bilang nCoV, ipinagpaliban muna ang Panagbenga Festival noong Pebrero. Hakbang ito ng lokal na pamahalaan ng Benguet upang hindi na kumalat pa ang nasabing virus lalo pa’t mayroon na ring mga people under investigation (PUI) sa kanilang rehiyon.

Larawan mula sa Facebook page na When in Baguio

Ngunit matapos ang ilang araw, napagdesisyunan na rin ng pamunuan ng Baguio na ituloy na ang Panagbenga ngayong Marso. Naglabas na sila ng pinakabagong schedule ng kanilang mga activity kaya naman maaari nang magplano ang mga turista na nais maging bahagi ng mga kaganapan.

Mag-uumpisa ang Panagbenga sa Marso 21 sa inaabangang Streetdance competition. Magsisilbi itong elimination round upang malaman kung sino ang mapapabilang sa grand street parade. Sa Marso 22 naman ay gagawin ang cultural dance contest. Isasara naman simula March 24 ang main street ng Session Road para sa ‘Session Road in Bloom.’

Sa Marso 28 naman ng umaga gagawin ang Panagbenga grand street parade. Magsisilbi namang closing event ang float parade kung saan inaasahang dadalo rin ang iba’t ibang sikat na personalidad at artista mula sa mundo ng showbiz.

Gayunman, kahit tuloy ang karamihan sa mga sikat na event at activities ng Panagbenga Festival, mayroon namang ilan na hindi na itutuloy pa ng lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga ito ay ang 25th Kalinga Foundation Day na gagawin sana sa Pebrero 14.

Larawan mula sa PTV

Hindi na rin tuloy ang ika-4 na Bodong Festival na gagawin sana sa Tabuk City. Wala na rin munang gagawing Strawberry Festival sa La Trinidad, Benguet na napagkasunduan ng municipal councilors. Nakatakda sana itong gawin sa Marso 9 hanggang 31.

Ngunit ipatutupad pa rin ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang ilang hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa panahon ng Panagbenga, para na rin maging ligtas sa banta ng COVID-19.

Loading…