Panukalang batas para sa pagtatayo ng paaralan ukol sa sports, lusot na sa Senado

  • May planong magtayo ng isang paaralan para sa sports o palakasan
  • Pasado na ito sa Senado
  • Tatawagin itong Philippine High School for Sports (PHSS) na itatayo sa New Clark City sa Capas, Tarlac

Aprubado na sa Senado ang panukalang batas para sa pagpapatayo ng isang paaralan na magsasanay at magiging lunduyan ng bagong henerasyon ng “world champion Philippine athletes.”

Sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Miyerkoles, Pebrero 26, lusot na ang panukalang lilikha sa Philippine High School for Sports (PHSS), isang educational institution na nakadisenyo para sa mga estudyanteng atletang Pilipino na nagnanais maging atleta at gawing career ang sports o palakasan.

Public Domain Image

Sa 21 senador na dumalo sa session, sumang–ayon ang lahat sa Senate Bill No. 1086, na nagsasaad na “ensure an alternative and equitable admission process to enhance the access of indigenous peoples, persons with disabilities, and students from other marginalized groups” sa pamamagitan ng isang espesyal na paaralan.

Batay sa panukala, ang PHSS ay itatayo sa New Clark City sa Capas, Tarlac kung saan magkakaroon ng access sa lahat ng sports facilities ang mga mag–aaral na atleta sa lugar na ginamit bilang venue ng ilang palaro sa 30th Southeast Asian Games noong 2019.

Kabilang naman sa taunang budget ng Department of Education o DepEd ang pondo sa pagpapatayo ng PHSS, ayon pa sa panukala. Lahat din umano ng mga donasyon para sa naturang academic institution ay ilalagak sa Sports High School Fund, na mahigpit na imo–monitor ng government budgeting, accounting at auditing rules.

Ang may–akda ng naturang panukala ay si Senador Sherwin Gatchalian, na nagsabing magbibigay rin ng full at partial scholarships ang pamahalaan para sa mga deserving na mag–aaral.

Ayon pa kay Senador Gatchalian, “Mama-maximize natin ‘yung mga pasilidad na ipinatayo na sa New Clark City. Kung hindi natin gagamitin ‘yun, masasayang. If you want world-class athletes, let them experience world-class facilities.”

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Hope na hindi mabahiran ng dumi sa politika, kawawa ang mga potential na mga atletang Pilipinong mahihirap, especially in grassroots level. God bless po!” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Napakagandang batas niyan para sa kabataan at mga future champion. Salamat sa gobyerno natin. na tumitingin sa kapakanan ng mga atletang Pilipino. Sana mabigyan lahat ng oportunidad na makapag–aral at mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga atleta natin na makahanap ng trabaho na babagay sa kanilang abilidad at kaalaman.”

Public Domain Image

“Dapat lang bigyang–tuon ang mga bayani nating manlalaro. Marami kasing Pilipinong manlalaro ang hindi napapansin ng dahil sa iba ang priorities! Isa pa, dapat talagang magpokus din tayo sa sports, just like sa mga Science High Schools na meron tayo,” sabi ng isa.

Sana nga ay maisakatuparan na ito sa lalong madaling panahon para sa kabataang atletang Pilipino!

Source :

Remate, News 5

Loading…