Papuntang banyo o sa langit? Mahaba at puting-puting daan patungo sa CR ng isang mall, kinatuwaan ng netizens

  • Trending ang larawan ng isang pasilyo sa Sucat, Parañaque dahil sa layo at napakaputing daan patungong CR
  • Ayon sa uploader, dahil sa haba at pagkaputi ng daan, aakalain mo raw na nasa dulo nito si San Pedro
  • In-update rin ng uploader ang kanyang followers at sinabing ngayon daw ay mas pinaganda na ng mall ang pasilyo at may dekorasyon na

Isa sa mga mahalagang bagay na tinitingnan ng mga parokyano ay ang comfort rooms o CR ng mga malls. Dahil nga expected na pumunta sa malls ay ang umaatikabong kainan, siguradong kakailanganin mong mag-CR nang ilang beses sa pananatili mo sa mga pamilihang ito.

Ngunit para sa isang netizen, magkahalong damdamin ang nararamdaman niya sa bagong gawang CR ng isang mall sa Sucat, Parañaque, dahil sa napakahaba at napakaputing daan patungo rito. Ibinahagi ng netizen na si Shen Cea Martinez ang kuha niyang larawan ng CR ng SM City Sucat kung saan ay inilarawan niya ang daan papuntang langit.

Larawan mula sa Facebook post ni Shen Cea Martinez

Dahil daw kasi sa haba ng lalakarin mo na may kakiputan din at sa puting tiles at dingding ng daan, aakalain mo raw na ito ay papunta kay Senior San Pedro o ang tagabantay ng pinto sa langit, at hindi papunta sa restroom ng mall.

“Yes, SM City Sucat! Everytime na mag-c-CR ako, pakiramdam ko, makakasalubong ko na si Senior San Pedro! #NasaLangitNaBaAko #DoorToHeaven,” sabi ni Shen sa kanyang post na viral na ngayon sa Facebook.

Marami ang na-good vibes sa kuha niyang larawan ng CR ng nasabing malaking mall kaya naman umabot na sa 42,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 348 comments, at 48,000 shares ang post. Nagbahagi naman ng opinyon ang mga netizens patungkol sa nasabing daan patungo sa banyo.

Sabi ng ilan, hindi raw ito puwedeng pagbanyuhan ng mga aabutan na dahil sa layo. Sabi naman ng ilan, mukhang hindi pa naman matao ang nasabing daan kaya nakapapanglaw din mag-CR doon kahit pa sabihin mong nasa mall ka. H0spital feels daw kasi ang nasabing hallway na kadalasan na nakikita sa mga h0rror movies.

May ilan namang netizens na imbes na pagtawanan o punahin ang daan ng mall, pinapurihan naman nila ito dahil sa kalinisang taglay. Kung ang ilang mall daw ay may nanggigitatang pasilidad, nakamamangha raw na makakita ng ganitong klaseng kalinis na pasilyo papunta sa CR.

Larawan mula sa Facebook post ni Shen Cea Martinez

Samantala, mukhang nakarating na raw sa pamunuan ng SM Sucat ang viral post ni Shen. Dahil sa komento niya sa kanyang sariling post, ngayon daw ay may pinturang gray na ang bandang baba ng pasilyo at nilagyan na rin ng makukulay na painting ang gilid para magkabuhay ang daanan.

“Na-alarm yata si SM Sucat. Ayan ginawa nila!” sabi ni Shen sabay post ng larawan ng improved na pasilyo papunta sa CR ng nasabing mall.

Loading…