PBA player na si Jericho Cruz, maglalaro sa Guam national team para sa FIBA Asia qualifiers

  • Pasok sa final roster ng national team ng Guam para sa FIBA Asia qualifiers si Jericho Cruz
  • Ito ang pagbabalik niya sa national team ng Guam matapos ang mahigit isang dekada
  • Nakatakdang harapin ni Jericho at ng team Guam ang New Zealand sa unang round

Abala na ang iba’t ibang bansa para sa pagbubukas ng FIBA Asia qualifiers. Sa Pilipinas, naipakilala na ang final roster para sa unang window ng qualifiers. Ngunit hindi lamang para sa team ng Pilipinas maglalaro ang isang Pinoy, kung hindi sa koponan din ng ibang bansa.

Pasok sa final roster ng Guam ang NLEX Road Warriors guard na si Jericho Cruz para sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers. Makakaharap nina Cruz at team Guam ang koponan mula sa bansang New Zealand. Ipinasilip ni Jericho ang kanyang larawan suot ang uniporme ng kanyang koponan sa FIBA Qualifiers.

Larawan mula sa Instagram post ni Jericho Cruz

“Let’s get it. Guam proud!” sabi ni Jericho sa kanyang post. Isinilang man si Jericho sa Pasig City, lumaki naman siya sa Saipan na bahagi ng Southern Mariana Islands kasama ng Guam. Noong 2008 ay bahagi na rin si Jericho ng Northern Marianas Islands national team para sa FIBA Oceania Youth tournament.

Noong kolehiyo naman ay bumalik si Jericho sa Pilipinas upang maglaro sa Rizal Technological University (RTU) hanggang sa lumipat sa Adamson University. Matapos ng karera sa collegiate league, na-draft naman siya sa PBA at kasalukuyang bahagi ng NLEX Road Warriors.

Una sanang haharapin ng Team Guam ang bansang Hong Kong ngunit nakansela ang kanilang laro dahil sa banta ng COVID-19. Haharapin na lang muna nila sa unang window ng qualifying round ang New Zealand na may homecourt advantage dahil sa Guam gagawin ang laro.

Larawan mula sa Instagram post ni Jericho Cruz

Maliban sa pagiging isang professional basketball player, abala rin si Jericho sa kanilang YouTube channel kasama ang kanyang asawa at kanilang dalawang anak.

Natutuwa naman ang fans ni Jericho sa kanyang malaking oportunidad na makabalik sa kanyang national team stint matapos ang higit isang dekada. Hindi man daw siya sa para sa Pilipinas maglalaro, makaaasa naman daw siya ng suporta mula sa kanyang Pinoy fans.

Loading…