PBB Teens grand winner Myrtle Sarrosa, isa nang Kapuso; inaming nag-audition sa Voltes V remake

  • Kapuso na ang cosplayer at Pinoy Big Brother Teens 4 big winner na si Myrtle Sarrosa
  • Pumirma na siya ng kontrata sa GMA Artist Center at mapapanood na sa GMA shows
  • Sinabi niya ring nag-audition siya para sa live action remake ng Voltes V bilang Jamie Robinson

Mayroong bagong mukha na mapapanood sa GMA Network ang mga loyal Kapuso. Kumpirmado na kasi ang pagtawid ng Pinoy Big Brother Teen Edition 4 Big Winner na si Myrtle Sarrosa sa Kapuso network matapos pumirma ng exclusive contract.

Ang GMA Artist Center na ang hahawak ng career ni Myrtle simula ngayon at siguradong mapapanood na siya sa siete. Kasama sa contract signing ang ilang boss ng GMA na magiging bagong tahanan ng dating Star Magic talent.

Larawan mula sa Facebook account ni Myrtle Sarrosa

Sinabi ni Myrtle sa isang panayam na matagal na niyang gustong maging Kapuso. Dalawang taon na raw ang nakararaan, nag-audition na raw siya sa isang role sa GMA ngunit hindi siya pinalad. Noong nakaraang taon daw, nag-audition siyang muli na naging hudyat na ng kanyang desisyon na buksan ang bagong yugto ng kanyang career at maging Kapuso.

Sinabi rin ni Myrtle mula sa kanyang Instagram post na matagal niyang ipinalangin ang career move na ito. Ngayong taon daw ay handa na siya sa mga bagong oportunidad at biyaya sa kanyang buhay. Ito na rin daw ang tamang panahon na ibinigay sa kanya ng Panginoon para makakilala ng mga bagong kaibigan.

“Starting a new chapter in my life. For a long time, I was really praying for guidance but what I didn’t know was that God was working in mysterious ways to prepare me and bring people in my life to open doors of blessings and opportunities. I believe in God’s timing… But this time. I won’t waste away opportunities. I’ll always give my best. I’m Thankful sa lahat ng well wishes ng lahat. Salamat mga Kapuso!” pahayag ni Myrtle sa kanyang post.

Agad naman siyang nakatanggap ng warm welcome mula sa kanyang mga kapuwa Kapuso katulad nina Lovi Poe, Sophie Albert, at si Miss World 2013 Megan Young na sinabing nais niyang makatrabho si Myrtle na kapuwa niya gamer.

Larawan mula sa Facebook account ni Myrtle Sarrosa

Unang mapapanood si Myrtle bilang guest cast ng longest running gag show na Bubble Gang. Inamin din ni Myrtle na nag-audition siya para sa Voltes V: Legacy, ang Philippine adaptation ng mecha-anime.

Hindi pa man sigurado na makakasama si Myrtle, umaasa siyang makukuha siya dahil sa dami ng nag-audition kasama ang isa pang PBB alumna na si Kisses Delavin.

Pabor naman ang mga netizen na si Myrtle ang gumanap na Jamie Robinson, ang female pilot ng Voltes V. Kilala rin kasing cosplayer si Myrtle at batid nilang kayang-kaya nitong gampanan ang papel ng maganda at palabang tauhan na si Jamie.

Loading…