PETA, nanawagan sa mga nais mag-ampon sa mga aso at pusa na nailigtas sa isla ng Bulkang Taal

  • Sa mga nakalipas na araw, lumaganap sa social media ang mga larawan ng aso na nailigtas makalipas ang halos dalawang linggong pagkaka-trap sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal
  • Sa kabutihang-palad, naabutan pa silang buhay ng mga rescuer
  • Isa ang PETA Asia sa mga grupong nagsagawa ng animal rescue operations sa Batangas at nananawagan sila sa mga nais mag-ampon ng hayop

Nanawagan ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia sa mga animal lovers na nais mag-ampon ng mga aso at pusa na nailigtas mula sa Isla ng Bulkang Taal.

Imahe mula sa PETA Asia Facebook page

Sa report ng Philippine Star, sinabi ni Ashley Fruno, director of animal assistance programs ng PETA Asia, na magsisimula na silang magproseso ng mga papeles para sa mga nais mag-ampon ng mga hayop na kanilang nailigtas sa Batangas.

Dalawang araw pa lamang mula nang sumabog ang Bulkang Taal noong Enero 12, 2020 ay nagsagawa na ng mga rescue operations ang kanilang grupo. Hindi rin umano sila titigil hangga’t may mga hayop pang kailangang iligtas doon.

Isa sa mga aso na kanilang nailigtas kamakailan lamang ay ang asong si Pedro. Nang makita umano si Pedro ng mga rescuer ay nabuhol ang isang paa nito sa mga baging o vines.

Sa isang Facebook post, naikuwento ng PETA Asia na nakaranas umano si Pedro ng matinding pagod at dehydration. Nang painumin nila ito ay umabot sa dalawang litrong tubig ang nainom nito nang maalis siya sa pagkakabuhol.

Naging malambing agad umano si Pedro sa mga taong nagligtas sa kaniya.

Sa mga nais mag-ampon ng mga hayop, maaaring kontakin ang PETA sa kanilang website na www.petaasia.com o sa numerong 8-817-5292.

Tumatanggap din sila ng donasyon sa mga nais magbigay ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga aso at pusa. Gayundin ng mga face masks, plastic containers, at maging ng pinansiyal na tulong.

Imahe mula sa PETA Asia Facebook page

Sa mga Pilipino na nais magbigay ng donasyong pera, maaaring ideposito ito sa Metrobank na may account name na PETA Asia-Pacific Limeted at account number na 007-066-31632-3.

Loading…