Pinas represent: Pia Wurtzbach, magiging reporter ng NBA All-Star Weekend

  • May bagong international exposure ang Miss Universe 2015 na si Pia Wurtzbach
  • Ngayon naman ay magsisilbi siyang reporter ng NBA All-Star 2020
  • Ipinangako ni Pia sa NBA fans na gagawin niya ang kanyang best para maging maayos ang kanyang reports

Mayroong panibagong achievement ang Miss Universe 2015 na si Pia Wurtzbach. Ngayon naman, magiging opsiyal na bahagi siya ng pinakamalaking liga ng basketball sa mundo na National Basketball Association (NBA).

Inanunsiyo ni Pia mismo sa official Facebook page ng NBA Philippines na siya ang opisyal na insider ng Pilipinas sa gagawing NBA All-Star 2020 na gagawin sa Chicago, Illinois. Ang NBA All-Star ay isang exhibition game sa pagitan ng dalawang koponan ng mga pinakamahuhusay at pinakasikat na NBA players ng season na ito.

Larawan mula sa IG Stories ni Pia Wurtzbach

“Kumusta, Republika ng NBA. I have an announcement to make. I’ll be representing the Republika during the NBA All-Star Weekend and I’m just so excited. I promise to work hard, just like ‘The King’ LeBron James, in posting highlights and results. I will be your eyes on and off the court,” pahayag ni Pia.

Gagawin ang NBA All-Star Weekend sa Pebrero 14 hanggang 16 sa Chicago, Illinois. Naroon na si Pia sa USA upang makapaghanda na para sa kanyang bagong role sa international scene. Ibinahagi niya na ang kanyang mga gagamiting NBA All-Star merch sa inaabangang NBA event.

Habang hindi pa nagaganap ang NBA All-Star, nag-iikot-ikot muna si Pia sa Chicago na hindi naman na bago kay Pia dahil pansamantala siyang tumira sa Amerika nang manalo siya bilang Miss Universe noong 2015.

Hindi ito ang unang beses na magiging bahagi ang ikatlong Miss Universe mula sa Pilipinas. Noong Southeast Asian (SEA) Games na ginawa sa bansa noong nakaraang taon, nagsilbi siyang muse ng team Philippines.

Larawan mula sa IG Stories ni Pia Wurtzbach

“So happy and blessed to represent our beloved country… Good luck to all the hardworking athletes. Mabuhay po kayo at mabuhay ang bansang Pilipinas,” sabi ni Pia sa kanyang post suot ang isang eleganteng Filipiniana.

Naging bahagi rin si Pia ng pinakamalaking football league championship sa USA na Super Bowl 50 noong Pebrero 2016. Nagsilbi siya bilang isang special correspondent nito. Naging muse na rin siya ng Barangay Ginebra noong 2019 sa opening ng Philippine Basketball Association (PBA).

Panoorin ang announcement ni Pia sa video na ito:

Loading…