Pinoy graphic artist, champion sa ASEAN Logo Design Contest

  • Wagi ang isang Pinoy graphic artist sa ASEAN Identity Logo Competition
  • Siya ang itinanghal na kampeon mula sa higit 1,300 entries
  • Gagamitin ang logo niya sa mga materyales at events ng ASEAN ngayong 2020

Hinahangaan ang husay ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. Hindi pahuhuli ang mga pambato ng bansa sa mga beauty pageant at itinuturing na ngang isang powerhouse ang Pilipinas sa mga patimpalak ng pagandahan. Gumagawa na rin tayo ng pangalan sa iba’t ibang sports tulad ng gymnastics, weightlifting at iba pa.

Ngayon naman, isang Pinoy graphic artist ang nagbigay ng karangalan para sa bansa!

Itinanghal si Joemari Manguiat na mula sa Lipa, Batangas bilang kampeon sa ginawang  Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Identity Logo Competition.

Larawan mula sa DFA

Personal na kinuha ni Manguiat ang kanyang parangal sa ASEAN secretariat office sa Jakarta, Indonesia noong Enero 20, 2020. Tinalo niya ang 1,378 entries mula sa iba’t ibang ASEAN state na nag-umpisa noong Setyembre 2019.

Nangibabaw ang gawa ni Manguiat na mayroong asul at pulang talulot at mayroong dilaw na tila buto ng mga bulaklak na sumisimbolo raw sa pagkakaisa at pag-unlad ng mga kasapi ng ASEAN. Kinakatawan daw ng pulang talulot ang mga bansang Brunei Darussalam, Myanmar, Singapore, Vietnam, at Indonesia.

Sinisimbolo naman ng mga bansang Cambodia, Pilipinas, Thailand, Laos, at Malaysia ang mga asul na bahagi ng bulaklak. Ang kulay dilaw daw sa nagwaging logo ay kumakatawan naman sa pagkakaisa at pagiging dalisay ng intensyon ng bawat ASEAN member upang maging maunlad na rehiyon.

Makikita ang nagwaging logo na gawa ni Manguiat sa iba’t ibang materyales na may kinalaman sa mga usaping ASEAN at sa mga malalaking pagpupulong at programa ng ASEAN sa buong taong 2020. Ang taong 2020 para sa ASEAN ay naglalayong maipalaganap ang pagkakaisa sa iba’t ibang bansang kasapi ng Timog Silangang Asya.

Larawan mula sa DFA

Nakuha naman ng graphic designer mula sa Myanmar na si Swumm Htet Naing ang ikalawang puwesto na gumawa ng logo na mayroong disenyo na bouquet ng bulaklak na sumisimbolo sa pagkakaisa ng mga ASEAN countries habang ang ikatlong karangalan naman ay mula sa bansang Malaysia na likha ni Mohammad Firdaus na hugis dyamante naman ang logo.

Inorganisa ng ASEAN-German Corporation ang patimpalak para sa paggawa ng logo para sa ASEAN ngayong 2020. Naka-display naman sa opisina ng ASEAN secretariat ang gawa ni Manguiat kasama ang paliwanag at sinisimbolo nito.

Source :

DFA, NST

Loading…