Reward naghihintay sa makapagtatanggal ng gulong sa leeg ng malaking buwaya

  • Pabuya naghihintay sa makapagtatanggal ng gulong sa leeg ng isang malaking buwaya
  • Taong 2016 pa ang gulong ng motorsiklo sa leeg ng buwaya
  • Ang alok ay hindi para sa mga amateur hunter kundi para sa mga taong may kasanayan na sa wildlife rescue

Ilang taon nang nakikitang lumalangoy sa Palu River sa Central Sulawei, Indonesia ang isang malaking buwaya na mayroong gulong ng motorsiklo sa leeg nito.

Screenshot mula sa video ng CNN

Isang opisyal ng conservation agency sa Indonesia ang nag-alok ng pabuya sa makapagtatanggal ng gulong upang iligtas ang buwaya sa pagkapahamak.

Noong taong 2016 pa umano namataan ang buwayang may gulong sa leeg. Hindi malinaw kung paano iyon nangyari. Posibleng isang Siamese crocodile ang nasabing buwaya na, ayon sa International Union Of Conservation, ay nanganganib nang malipol o critically endangered.

Tinatayang nasa 1,000 na lang ang populasyon nito sa wild.

“A reward will be given to anyone who can release the hapless reptile,” pahayag ni Hasmuni Hasmar, ang hepe ng Central Sulawesi Natural Resources Conservation Office, na hindi binanggit ang detalye sa inaalok na pabuya.

Mayroon na ring sumubok noon na alisin ang gulong sa leeg ng buwaya. Noong taong 2018 ay sinubukan ng isang “animal whisperer” na alisin ang gulong na sumasakal sa buwaya subalit hindi ito nagtagumpay.

Screenshot mula sa video ng CNN

Noong taong ding iyon ay sumubok rin ang conservation agency na mahuli ang buwaya sa pamamagitan ng “crocodile trap.” Pinainan nila iyon ng mga karne ngunit nabigo sila.

Kasunod ng mga video na kumalat na nagpapakitang tila nahihirapang huminga ang buwaya, muling inatasan ng gobernador ng Central Sulawesi ang Central Sulawesi Natural Resources Conservation Office na gumawa ng paraan upang mailigtas ang hayop.

Sabi ni Hasmuni Hasmar, sa sariling bulsa niya manggagaling ang reward. Nilinaw din niya na ang alok ay hindi para sa mga amateur hunter kundi para sa mga taong may kasanayan na sa wildlife rescue.

Screenshot mula sa video ng CNN
Source :

Bangkok Post, CNN

Loading…