Reyna Ivana? Trending Kapamilya actress Ivana Alawi, ipinakita ang mansyon sa Bahrain

  • Ipinasilip ni Ivana Alawi ang kanyang namanang bahay sa ama kung saan din siya lumaki
  • Mansyon ito at talaga namang nakamamangha sa ganda ang disenyo at mga kagamitan
  • Agad namang nag-trending sa social media ang kanyang house tour at milyon agad ang views matapos ang ilang oras nang i-upload

Wala na talagang makapipigil sa pagsikat ng vlogger at bagong Kapamilya leading lady na si Ivana Alawi. Matapos ang exclusive contract sa ABS-CBN at kanyang unang awitin na ‘Sana All,’ dagsa naman ang mga manonood sa bagong video ni Ivana sa kanyang YouTube channel.

Ipinakita kasi ni Ivana sa kanyang vlog ang ipinamang mansyon sa kanya ng namayapang ama. Moroccan ang ama ni Ivana ngunit sa Bahrain ito nakatira. Dito na rin isinilang at lumaki ang Kapamilya actress kaya naman mahalaga para sa kanya ang kanilang mansyon.

Larawan mula sa YouTube video ni Ivana Alawi

Inilibot ni Ivana ang kanyang fans mula sa malawak nilang parking space at garden sa tapat ng kanilang bahay na mayroong pinahalong moderno at tradisyonal na arkitektura na may impluwensiya ng Middle Eastern culture.

Pagpasok sa bahay, dito makikita ang magagarang kagamitan sa kinalikihang bahay ni Ivana. Mayroon itong dalawang sala na nahahati raw depende sa kanilang nararamdaman. Ang isang sala raw nila mas ‘simple’ ay ang kanilang madalas na tambayan ng kanyang pamilya dahil hindi raw sila sosyal.

Sa kabilang bahagi naman ay ang isa pang living room kung saan naman makikita ang mas eleganteng disenyo ng mga kagamitan. Wala raw laging tao roon dahil hindi naman daw nararamdaman madalas nina Ivana na sosyal sila.

May alaala rin si Ivana ng kanilang pamumuhay noon kabilang ang hindi pagkakasundo ng kanyang mga magulang. Madalas daw talagang mag-away ang dalawa noon kaya naman lumayas sila at umuwi ng Pilipinas kung saan na isinilang ang kanyang bunsong kapatid at aktres din na si Mona Louise Rey.

Wala pa mang isang araw na naka-upload ang video ni Ivana, umabot na agad ito sa higit 2.5 million views at patuloy na nadaragdagan. Masaya naman si Ivana dahil naibabahagi niya sa kanyang fans ang malaking bahagi ng kanyang kabataan.

Larawan mula sa YouTube video ni Ivana Alawi

“Isa ito sa pinaka-special na video na ilalabas ko sa YouTube channel ko kasi ipapakita ko sa inyo kung saan ako lumaki. Kung saan nag-start si Ivana Alawi. Nandito tayo ngayon sa Bahrain at ito ang aking childhood house,” pahayag ng vlogger na mayroong higit 4.3 million subscribers.

Inilahad ni Ivana sa kanyang guesting sa Gandang Gabi Vice na nakakuha siya ng malaking pamana mula sa kanyang ama. Hinatian naman daw niya rito ang kanyang nanay at dalawang kapatid.

Panoorin ang house tour ni Ivana Alawi:

Loading…