Saludo! 35-anyos na ginang pumapasok bilang Grade 9 student; bitbit araw-araw ang maliit na anak sa eskwela

  • Trending ngayon sa social media ang kuwento ng isang ginang mula sa Davao del Sur
  • Sa edad niya kasing 35 anyos, patuloy itong pumapasok bilang Grade 9 student
  • Bitbit din niya araw-araw sa loob ng klase ang kanyang bunsong anak dahil walang mag-aalaga rito

Para sa marami sa atin, ang edukasyon ang isa sa mga susi upang maging maayos ang ating pamumuhay. Anumang hirap ang tahakin, gaano man kamahal ang maaaring gastusin para sa edukasyon, gagawin ng marami sa atin ang lahat makatapos lamang.

Ito ang pinatutunayan ng isang ginang mula sa Davao del Sur na sa kabila ng kanyang edad, hindi pa rin naaawat sa pagtupad sa kanyang pangarap. In-upload ng isang Department of Education (DepEd) employee na si Zion Pore ang mga larawan ng ginang habang masayang nakikisali sa diskusyon sa klase ng Grade 9.

Larawan mula sa Facebook post ni Zion Pore

Hindi man nabanggit ng uploader ang pangalan ng ginang, nakuha naman daw niyang kapanayamin ito tungkol sa kanyang buhay. Nasa parehong eskwelahan din sila ng panganay niyang anak na nasa Grade 7 pa lamang. Ang isa ay nasa elementary pa  lamang habang ang bunso niya ay bitbit niya araw-araw sa eskwela kapag pumapasok siya.

Siya raw mismo ang nagpursiging pumasok sa paaralan. Agad raw siyang nag-enroll noong early enrollment program ng DepEd. Hindi man daw marangya ang pamumuhay nila at ang asawa niya lang ang nagtatrabaho para sa kanila, kinakaya niya ito para sa kanyang pangarap na makapagtapos.

“Her youngest child is the one she’s carrying and brings along with her to school every day- yes, every day). She shared about her life and her struggles, that made her teary eyed (her husband works in Davao to support the family, so she’s literally alone in raising the kids,” pahayag ni Zion sa kanyang post.

Humanga naman si Zion sa determinasyon ng ginang kaya naman hindi niya nakalimutang bigyan ng papuri ito dahil nagsisilbi raw siyang inspirasyon sa marami lalo na’t marami ang hindi nagpapahalaga ngayon sa pag-aaral.

Larawan mula sa Facebook post ni Zion Pore

“So after the class, I went straight to her, congratulated her and told her to keep pressing on. Padayon. You’re truly an inspiration,” dagdag pa ni Zion.

Maraming netizen ang humanga rin at naantig sa kuwento ng ginang. Isa raw malaking testamento ang pagpupursigi ng ginang na walang hadlang sa taong may pangarap. Sana raw ay mas marami pa ang makaalam ng kuwento nito upang maging inspirasyon sa marami lalo na sa mga kabataang ipinagsasawalang-bahala lamang ang edukasyon.

Loading…