Sanggol na matinding tinamaan ng COVID-19 nakarekober

  • Isang sanggol na naging kritikal ang lagay dahil sa COVID-19, nakarekober
  • Noong ika-13 ng Pebrero ay na-discharge na sa Wuhan Children’s Hospital ang sanggol
  • Siya ang kauna-unahang sanggol na pasyente ng COVID-19 na naging malubha ang kondisyon

Isang sanggol na matinding tinamaan ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Hubei Province ang nakalabas na ng ospital noong Huwebes, ika-13 ng Pebrero, matapos nitong makarekober mula sa mabagsik na sakit.

Imahe mula sa Wuhan Children’s Hospital

Ang 14-month-old na batang lalaki ay isinugod sa Wuhan Children’s Hospital noong ika-26 ng Enero 2020 dahil nagkaroon ng diarrhea at nagsuka sa loob ng anim na araw.

Nang magamot ang diarrhea ng sanggol ay napansin na kinakapos ito ng hininga, isang sintomas ng COVID-19, kaya agad itong dinala sa isolation ward ng ospital. Noong ika-27 ng Enero ay nakumpirma na dinapuan siya ng COVID-19.

Dinala ang sanggol sa intensive care unit ng ospital upang mas lalong matutukan ng mga doktor. Hindi naging madali ang gamutan dahil lumubha ang kalagayan nito. Siya ang naging kauna-unahang sanggol na pasyente sa China na naging kritikal ang kondisyon.

Nagsimulang bumuti ang kalagayan ng bata noong ika-5 ng Pebrero at makalipas pa ang isang linggo, noong ika-13 ng Pebrero, ay tuluyan na siyang gumaling at na-discharge mula sa pagamutan.

Imahe mula sa Wuhan Children’s Hospital

Ang isa pang sanggol na apat na buwang gulang ang kumpirmadong dinapuan ng COVID-19. Agad namang gumaling ang baby at nakalabas na sa Haikou People’s Hospital sa Hainan Province noong ika-11 ng Pebrero.

Kamakailan lang, ang presidente ng China na si Xi Jinping ay nagdeklara ng “people’s war” laban sa COVID-19.

Ginagawa na ng naturang bansa ang lahat ng maaaring gawin upang matigil ang pagkalat ng virus, kabilang na rito ang panghihikayat sa publiko na i-report sa mga awtoridad ang mga taong pinaghihinalaang dinapuan ng sakit, kabilang na ang kanilang mga kapitbahay at mga mahal sa buhay.

Imahe mula sa Xinhua
Source :

Xinhua, NPR

Loading…