Segment ng It’s Showtime na Piling Lucky nagkaaberya; jackpot prize na negosyo package wala sa choices

  • Nagkaroon ng aberya ang bagong It’s Showtime segment na Piling Lucky
  • Wala kasi sa mga pagpipilian ang negosyo package na isa sa jackpot prizes ng segment
  • Agad namang humingi ng paumanhin ang direktor ng show na si Bobet Vidanes at ibinigay ang jackpot sa player

Inaabangan ng sambayanan at madlang people ang pinakabagong segment ng It’s Showtime na ‘Piling Lucky.’ Malaki kasi ang papremyo rito na kamakailan ay umabot na sa halos isang milyong piso. Maliban dito, marami ding ibang premyo tulad ng appliances, gadgets, at negosyo package ang maaaring mapanalunan.

Ngunit sa episode ng noontime show noong Pebrero 27, nagkaroon ng aberya sa jackpot round ng Piling Lucky. Nang bubuksan na ng hosts na sina Vice Ganda, Ryan Bang, Teddy Corpus, at Jugs Jugueta ang mga painting na naglalaman ng premyo, hindi nila nahanap ang naglalaman ng negosyo package.

Larawan mula sa YouTube

Inisa-isa ng hosts ang bawat painting sa pagpipilian. Ngunit wala talaga sa mga ito ang negosyo package. Agad namang tumawag si Vice ganda ng representative mula sa ABS-CBN Internal Audit para tulungan silang hanapin ang negosyo package sa mga pagpipilian.

Dahil sa hindi maipaliwanag agad ng hosts at staff ang nangyayaring aberya, agad na sinabi ni Vice na magpo-pause daw muna ang show para sa isang commercial break. Dumaan ang ‘Tawag ng Tanghalan’ segment at nang i-anunsiyo ang nagwaging daily contender, ibinigay ng hosts ang mikropono sa direktor ng It’s Showtime na si Bobet Vidanes para sa official statement.

Patuloy daw na iniimbestigahan ng pamunuan ng show ang nangyaring pagkawala ng isa sa mga jackpot prizes sa kanilang segment. At bilang paghingi ng paumanhin sa contestant na si Ginalyn Canilio, ibinigay na nila ang negosyo package dito.

“Hey magandang hapon. Nagkaroon ng pagkakamali ang Showtime production sa jackpot round ng Piling Lucky kanina. Dahil dito, napagdesisyunan na ibigay sa ating player na si Ginalyn Canilio ang negosyo package,” pahayag ng direktor.

Larawan mula sa YouTube

Noong episode rin na iyon ay ipinakita ng It’s Showtime ang pag-aabot nila kay Ginalyn ng negosyo package na pinangunahan pa rin ni Direk Bobet. Sinabi rin nito na patuloy nilang inaalam ang sanhi ng pagkalitong nangyari.

Naglabas na rin ng official statement ang It’s Showtime sa kanilang mga social media accounts upang mas mapaabot sa maraming solid viewers nila ang kanilang paghingi ng paumanhin.

Panoorin ang naging aberya sa Piling Lucky segment ng It’s Showtime:

Loading…