Sekyu na ama na nag-uulam ng sitsirya, kinahabagan

  • Isang sekyu ang itinampok ng kaniyang kasamahan
  • Nag–uulam kasi ito ng sitsirya, sa halip na kumain ng mga pagkaing masustansiya, upang maging kasangga sa mabigat na tungkulin sa trabaho
  • Nabagbag naman ang damdamin ng mga netizens at nagbigay ng kanilang malasakit at paalala sa sekyu

Isa sa mga trabahong itinuturing na “buwis–buhay” ay ang pagiging security guard. Nakataya ang kanilang pansariling seguridad upang matiyak lamang ang kaligtasan ng mga taong nasa loob ng isang establisyimiento, gusali, kompanya, at iba pa. Kaya naman, kinakailangang malakas ang kanilang pangangatawan at kalusugan upang magampanan nang maayos ang mabigat na tungkulin.

Kaya naman, kinahabagan ng mga netizens ang isang Facebook post ng nagngangalang “Ralph” matapos niyang ibahagi ang pag-uusap nila ng isang kasamahang sekyu na kasabayan niya sa pagkain. Kalakip nito ang isang larawang magpapatunay nito. Ibinahagi rin ang post na ito sa iba’t ibang mga Facebook page.

Imahe mula sa Facebook account ni Ralph Reymond Hermano Getanes

Batay sa caption, napansin ni Ralph na sitsirya o junk food lamang ang ulam sa kanin ng kasamahang sekyu. Tugon nito, kinakailangan nitong magtipid sapagkat umaasa sa kaniya ang pamilya na nasa Cotabato City. Nag–alala naman si Ralph sa magiging lagay ng kalusugan ng kasamahan, lalo na’t lagi itong straight duty.

“Sanay na ako, Sir. Di bale, balang araw kapag makatapos sila, SANA HINDI NA GANITO,” tugon ng sekyu kay Ralph.

“Pa–smile–smile lang siya that time pero ramdam ko sa bawat bigkas niya ang kinukubling hirap at pangungulila,” nasabi na lamang ni Ralph.

Nabagbag naman ang damdamin ng mga netizens sa sitwasyong ito ng sekyu. Nagbigay sila ng komento hinggil dito.

Sabi ng isa, “God bless po sa inyo kuya. Masarap maranasan ang ganyan kung paminsan–minsan, maski ako man nag–ulam din ng sitsirya dati pero huwag naman madalas. As long as we pray and trust God, He will always bless us in so many ways.”

“Sir pahalagahan ninyo rin po ang sarili ninyo. Sa pahinga at pagkain po tayo humuhugot ng lakas kapag nagtatrabaho. May mga mura naman pong pwedeng maiulam. Kapag ho nagkasakit kayo dahil sa kakulangan ng sustansiya sa kinakain, mas lalo ho ninyong hindi masusuportahan ang pamilya ninyo,” paalala naman ng isa.

Public Domain Image

Turan naman ng isa, “You remind me of my father. Basta tatay, lahat gagawin para sa anak. Isusubo na lang ibibigay pa sa anak. Salute to all the fathers. God bless.”

Kay Kuya Sekyu na nag–uulam ng sitsirya, hangad namin ang iyong mabuting kalusugan at nawa’y matupad ang iyong mga pangarap para sa iyong pamilya!

Loading…