Simpleng treat ng guro sa kanyang mga estudyanteng with honors, nagpabilib sa mga netizens

  • Trending sa social media ang ginawang surpresa ng isang guro para sa kanyang mga students with honors
  • Maliban sa certificate, nagbigay ang guro ng isang garapon ng Stik-O at ballpen sa kanyang mga natatanging mag-aaral
  • Napa-‘sana all’ naman ang maraming estudyante sa simple ngunit makabuluhang handog ng guro

Sinasabing walang katulad ang sakripisyo ng isang guro para sa kanyang mga mag-aaral, lalo na sa bansang Pilipinas. Maliban sa hindi normal ang dami ng mga mag-aaral sa isang klasrum partikular sa public school, marami ring guro ang umaaray sa mababang sahod na kanilang nakukuha.

Ngunit sa kabila ng madalas na pagkakapos sa budget, may ilan pa ring mga guro na nagagawang maglaan ng kanilang pera upang patuloy na mapasaya ang mga mag-aaral na napalapit na rin sa kanila. Ganito ang diwa ng post ng isang guro sa kanyang Facebook account.

Larawan mula sa Facebook post ni T’cher Lem

Ibinahagi ni T’cher Lem sa kanyang post ang simpleng handog niya sa kanyang mga natatanging mag-aaral para sa ikatlong markahan. Maliban sa mga sertipiko, naghanda rin ang guro ng sampung garapon ng kilalang wafer stick brand na Stik-O at mga makukulay na panulat.

Sabi ng guro, ito raw isang simpleng pagbibigay pugay sa lahat ng pagtitiyaga ng kanyang mga estudyante. Ngunit kahit simple lamang ang regalong ito ni teacher, na-appreciate naman ng maraming netizens ang effort ni sir na mapasaya ang kanyang mga estudyante.

“Simple treats to my 3rd grading list of students with honors. Congratulations!” sabi ni  Teacher Lem sa kanyang post na viral na ngayon sa social media. Mayroon na itong 5,400 reactions na karamihan ay ‘l0ve,’ 865 comments, at 18,000 shares habang isinusulat ang balitang ito.

May mga netizesn na nagpaabot ng paghanga sa guro. Ayon sa kanila, hindi naman daw ito dapat kasama pa sa mga dapat ibigay ng guro tuwing pararangalan ang mga batang with honors bawat grading, ngunit ginawa pa rin ni sir ang kanyang makakaya upang magbigay ng ngiti at lalong ma-motivate ang kanyang mga mag-aaral.

Larawan mula sa Facebook post ni T’cher Lem

May ilang mag-aaral naman na ang sigaw ay ‘sana all.’ Kaya naman magiliw at pabiro nilang tina-tag sa post ang kanilang mga guro at sinasabing ‘baka naman’ may pa-surpresa rin ang kanilang mga ma’am at sir lalo na’t magtatapos na naman ang school year.

“Hi ma’am… baka naman po. Hehehe. Mayroon pa naman po tayong 4th quarter at bago man lang matapos ang school year ay may pa-stik-o ka po. Hehehe. Labyu ma’am,” pahayag ng isang netizen.

Loading…