So funny! Excuse letter ng isang mag–aaral, kinaaliwan

  • Kinaaliwan ang isang excuse letter na ginawa ng isang mag–aaral
  • Sumakit umano ang isang daliri niya sa “left pot” niya
  • Iginuhit pa ng  mag–aaral ang isa niyang paa

Isa sa mga kinakailangang gawin ng isang mag–aaral na lumiban sa klase ang pagbibigay ng excuse letter na magpapaliwanag sa guro sa dahilan ng hindi pagpasok sa paaralan. Ito kasi ang magiging batayan kung valid o invalid ang rason, lalo na kung nagkataong may pagsusulit o anumang gawaing hindi niya nagawa sa panahon ng kaniyang pagliban.

Kaya naman, nagbunsod ng katatawanan ang ibinahaging excuse letter ng isang hindi nakilalang mag–aaral, sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Nakaaaliw kasi ang paraan ng pagpapaliwanag ng mag–aaral na may pangalang “Eman”.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

“To teachers, Dear ma’am and sir hindi nga pala ako makakapasok ngayon dahil sumasakit yung daliri ko sa paa. From #Eman,” ayon sa liham.

Bukod dito, nadagdag pa sa katatawanan ang iginuhit na paa ni Eman upang mas “makapagpatibay” pa sa kaniyang dahilan. Batay sa paglalarawan ni Eman, sumakit ang hinlalaki sa kaniyang kaliwang paa. Sa halip na “foot”, “pot” ang baybay niya sa Ingles ng paa.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

Biro ng isa, “At least naman hindi siya nagpaligoy-ligoy para sa pagpapalusot na absent siya. Diretso sa ‘left pot’may arrow pa para hindi makapanghula ang titser hahahaha.”

“Totoo man iyan o hindi, nakakatawa at nakapagdudulot ng good vibes. Hahaha. Sana naman hindi nagalit ang teachers niya dahil sa ganiyang sulat,” sabi naman ng isa.

Kung totoo man o hindi, sa kabilang banda ay nakaaalarma rin kung ganito ang excuse letter na ipinapasa ng mga mag–aaral. Patunay ito na tila hindi na marunong sumulat o gumawa ng pormal na liham ang mga mag–aaral sa kasalukuyan. Isa pa, magulang dapat ang gumawa nito at hindi ang mismong mag–aaral na lumiban, ‘di po ba?

Calling nanay!

Public Domain Image
Source :

Facebook

Loading…