Subway on the way na: Tunnel boring machines para sa Metro Manila Subway, ipinasilip ng DOTr

  • Dumating na sa bansa ang tunnel boring machines (TBM) na gagamitin sa pagbubungkal para sa Metro Manila Subway
  • Ayon sa DOTr, mas maaga raw ang pagdating ng TBM kaysa sa inaasahan nila kaya naman mas maaga rin nilang mauumpisahan ang proyekto
  • Sa ikalawang quarter daw ng taon mag-uumpisa ang pagbubungkal at inaasahang sa huling bahagi naman ng 2021 ay may operational na sa subway stations 

Isa sa mga pinakamalalaking proyekto na inihayag ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha sa kauna-unahang subway projects sa Pilipinas. Tinawag itong Metro Manila Subway na may habang nasa 36 kilometro na magpapabilis ng biyahe mula sa Quirino Highway, Quezon City patungo sa Dasmariñas, Cavite.

Ngayon, unti-unti nang nagkakaroon ng kulay ang tinaguriang ‘project of the century’ dahil sa pagdating ng isa sa mga pinakamahalagang equipment at makinarya para sa pagtatayo ng subway. Ipinasilip na ng Department of Transportation (DOTr) ang tunnel boring machines (TBM).

Larawan mula sa DOTr

Sa pangunguna ni DOTr secretary Arthur Tugade kasama ang Japanese contractors na Shimizu Corporation at Japan International Cooperation Agency (JICA), ipinakita sa media ang mga TBM na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ang isang briefing sa magiging timeline ng subway project.

Ayon sa DOTr, mas maagang dumating ang mga TBM kaysa sa kanilang inaasahan. Sa Agosto pa raw dapat darating ang mga ito ngunit mas maaga ng apat na buwan na napasakamay ng bansa ang mga espesyal na panghukay para sa subway.

Karaniwan daw kasing inaabot ng higit 13 buwan ang paggawa ng isang TBM ngunit matapos daw ang pagpupulong noong Disyembre, nagawang paikliin lamang ang pagbuo nito at umabot lamang ng 11 buwan.

Ayon kay Tugade, hindi raw basta-basta ang pagbuo sa mga TBM. Binubuo raw ito depende sa uri at kalidad ng lupang bubungkalin. Hindi rin daw ito nabibili na nakahanda na katulad ng ibang aparatong nabibili sa hardware at supply shops.

Larawan mula sa DOTr

Dahil sa maagang pagdating ng boring machines, inanunsiyo na rin ng DOTr na mas mapapaaga rin ang pag-uumpisa nila sa pagbubungkal para sa unang 15 istasyon ng Metro Manila Subway. Sa second quarter daw ng taon inaasahang mag-uumpisa ang kanilang pagbubungkal.

Inaasahan din daw nila na sa huling bahagi ng 2021 o unang quarter ng 2022 ay magiging operational na ang ilang istasyon ng subway na ito at mapakikinabangan na ng ilang commuters. Target na matapos ang subway sa taong 2025.

Source :

PNA, Facebook

Loading…