Supreme Oreo cookie, ibinebenta sa halagang P4.5 million sa eBay

Imahe mula sa eBay
  • Naglabas ang fashion brand na Supreme ng Oreo cookies at mabilis itong na-soldout
  • Ngayon ay marami nang nagbebenta nito sa eBay sa higit na malaking halaga kumpara sa presyo nitong $8 para sa isang pack na may tatlong cookies
  • Umabot na sa $90k o P4.5M ang bid sa isang seller

Nagsama ang fashion brand na Supreme at Oreo upang gumawa ng isang limited edition na cookies.

Imahe mula sa Twitter | Supreme

Magkasunod na inanunsyo ito ng dalawang kompanya sa Twitter.

“Supreme x @Oreo Coming Soon,” sabi ng Supreme sa kanilang tweet. Ang Oreo naman, nag-post din ng larawan ng pula at puting cookie na may naka-imprentang “Supreme.” “Dropping Soon,” anila.

Ayon sa ABC News, kinumpirma sa kanila ng Oreo ang kolaborasyon ngunit hindi na nagbigay ng detalye tungkol sa sales.

Sinabi rin nilang mabilis na na sold out ang cookies na nagkakahalaga lamang ng $8 nang ilabas ito noong Pebrero 18. Naglalaman ang isang pack nito ng tatlong pirasong cookies. Ngunit ang ilang nakabili, ibinebenta na ngayon sa eBay, isang online marketplace, ang limited edition cookies sa higit na mataas na presyo.

Imahe mula sa eBay

Ang isang seller, may pre-selling pa ng produkto sa halagang $75 o P3,800. Ang isa pa, ibinebenta ang “1 package of unopened Supreme Oreos (3 cookies) **RARE**” May Buy It Now na presyo ito na $8k o P407,000.  Ang mga interesadong bumili, maaaring mag-bid simula $400

Pinakamataas naman ang halaga ng itinitinda ng isang seller dahil ang bid para sa kaniyang produkto, umabot na ngayon sa $90,000 o mahigit P4.5 milyon.

Ayon sa Forbes, nagsimula ang Supreme bilang isa skateboarding brand noong taong 1994 sa New York City. Ngayon ay isa na itong sikat na fashion brand. Umaabot na nga raw sa puntong pumipila ang mga customer sa labas ng mga store upang abangan ang paglabas ng mga bagong produkto.

Ang Supreme Oreo raw ay inilabas bilang bahagi ng Spring/Summer 2020 collection. Kabilang din dito ang mga faux fur varsity jacket, Nike sneaker, Nalgene water bottles, Ziploc bags, at Mac Tools chest.

Source :

ABC News, Forbes, eBay

Loading…