Taxi driver, hinabol at hindi tinantanan hanggang makorner ang kotseng nang-hit-and-run

 

  • Nasaksihan ng isang taxi driver ang nangyaring hit-and-run sa Marcos Highway
  • Hinabol at nakorner ng taxi driver ang motoristang nang-hit-and-run
  • Nanlumo ang taxi driver nang malaman kalaunan na ang bikitima ng hit-and-run ay kaibigan pala niya

Kitang-kita ng taxi driver na si Garry Torrequemada ang naganap na hit-and-run sa Marcos Highway patungo sa Antipolo. Nasaksihan niya na tinakbuhan ng motoristang naka-kotse ang nabangga nitong pedicab driver kaya agad niya iyong hinabol.

Screenshot mula sa GMA video

Hit and run , hahabulin ko ‘yun,” maririnig sa video na sabi ni Torrequemada habang hinahabol ang Toyota Altis na kulay pula.

Salaysay ng taxi driver na siya ring kumuha ng video, dakong ala-una y media ng madaling araw habang naghihintay ng pasahero ay biglang narinig niya ang napakalakas na kalabog at nakitang tumilapon sa ere ang isang lalaki na nabangga ng kotse. Nag-menor umano ang motorista subalit bigla ring humarurot palayo.

“May kumalabog na napakalakas na impact. Pagtingin ko, may taong umikot sa ere. Bumagsak. Pagbagsak niya, tiningnan ko, nakabangga sa kanya, nagmenor sa Shell. No’ng nagmenor, biglang bumilis,” kuwento ni Torrequemada.

Nagdesisyon nga siya na habulin ang nang hit-and-run. Aminado siya na kabado siya sa ginagawa dahil hindi niya alam kung sino o anong klaseng tao ang hinahabol niya, pero nangibabaw daw ang awa na naramdaman sa biktima.

Nang makuha niya ang pansin ng driver ng pulang kotse ay huminto iyon. Agad niyang kinompronta ang driver nito na nakilalang si Gustavo Vitriolo na nagsabing hindi raw niya napansin ang biktima.

Screenshot mula sa GMA video

Tila tuliro si Vitriolo sa pangyayari habang nakikiusap siya sa taxi driver na huwag tumawag ng pulis. Sabi nito ay babalikan na lang ang biktima dahil kakausapin niya muna ang kanyang ama tungkol sa insidente. Hindi pumayag si Torrequemada at tumawag ng pulis.

Nadala naman sa pinakamalapit na presinto si Vitriolo, ngunit pinalabas din matapos makipag-usap ang mga magulang niya sa mga kaanak ng biktima, na nakilalang si Arnold Bunales, at pumayag na makipag-areglo.

Screenshot mula sa GMA video

Nanlumo ang taxi driver nang malaman kung sino ang biktima. Nagkataong kaibigan pala niya ang na hit-and-run.

Ayon sa Land Transportation Office, kahit nagkaayos na ang magkabilang -panig ay posible pa ring ma-revoke ang lisensya ni Vitriolo.

 

Loading…