Thai actor na si Mario Maurer, babalik sa Pilipinas para sa isang solo fan meeting sa Hunyo

  • Babalik sa bansa ngayong taon ang sikat na Thai actor na si Mario Maurer
  • Magkakaroon siya ng fan meet na unang beses niyang gagawin dito sa bansa
  • Sa Hunyo pa ang event ngunit uumpisahan na ang ticket sale sa Marso

Sa kasagsagan noon ng Korean wave sa Pilipinas, isang Thai movie ang humuli sa kiliti at kilig ng mga Pilipino. Marami ang napahanga sa kuwento ng romance comedy na Crazy Little Thing Called L0ve na pinagbidahan ni Mario Maurer.

Dahil dito, naging sikat at napamahal si Mario sa mga Pilipino at nakagawa pa ng isang pelikula sa ilalim ng Star Cinema. Nakatambal niya rito ang Kapamilya actress na si Erich Gonzales at nagkaroon ng box office success para sa pelikulang Suddenly It’s Magic noong 2012.

Larawan mula sa Instagram account ni Mario Maurer

At matapos ang ilang taon, babalik sa bansa si Mario para muling pakiligin ang kanyang Pinoy fans. Sa unang pagkakataon ay magkakaroon siya ng isang solo fan meeting na gagawin sa Hunyo 28 sa SM North EDSA Sky Dome.

Magkakaroon ng pagkakataon ang ilang fans na maka-meet and greet si Mario at matanong ang kanilang idolo. Mayroon ding merchandise na makukuha ang mga fans na makakakuha ng ticket na sisimulang ibenta sa Marso 6.

Masaya ring inanunsiyo ni Mario sa kanyang Instagram post ang kanyang pagbabalik sa bansa. Gumamit pa ang Thai actor ng Filipino words sa kanyang post at sinabing excited na siyang muling makita ang kanyang mga Pinoy fans na malaking bahagi ng kanyang tagumpay bilang isang global celebrity.

“Mabuhay! Ako po si Mario Maurer, and I’m so glad to announce that I’ll be having my first official solo fan meeting in Manila… I will be seeing all the lovely faces of my dearest fans from the Philippines,” pahayag ni Mario sa kanyang post.

Larawan mula sa Instagram account ni Mario Maurer

Napakomento naman agad sa excitement ang Pinoy actor at naging mabuting kaibigan na rin ni Mario na si Joross Gamboa. Pati kanyang mga Pinoy fans ay hindi napigilan ang kanilang pagsabik na muling makita ang aktor.

Hiling naman ng ilang fans, sana ay muling makagawa si Mario ng pelikula o serye sa bansa dahil gusto nila itong mapanood sa isang proyekto sa pag-arte. Nag-guest na rin noon si Mario sa ilang Kapamilya shows tulad ng ASAP at Gandang Gabi Vice.

Loading…