US President Donald Trump sa pagkansela ng Pilipinas sa VFA: “We’ll save a lot of money, thank you!”

  • Tila hindi nakaapekto kay US President Donald Trump ang pagkansela ng bansa sa VFA
  • Nagpasalamat pa nga siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon niyang ito
  • Ayon kay Trump, makatitipid pa raw ang US ng malaking halaga na ipinagpapasalamat niya

Noong Enero, nang makansela ang US Visa ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, nagbanta na si Pangulong Rodrigo Duterte na tatapusin nito ang ugnayan ng Pilipinas sa USA, partikular na ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Kilala kasing kaalyado ni Duterte si dela Rosa kaya naman bilang aksiyon sa panggigipit umano ng Amerika, ngayon ay opisyal nang dinesisyunan ng pangulo na tapusin na ang military pact ng bansa at USA.

Larawan mula sa Washington

Nakarating na rin kay US President Donald Trump ang pasya ni Duterte. Ngunit imbes na mabahala, sinabi nito na ayos lamang na wakasan na ang VFA dahil makatutulong pa ito sa kanilang bansa na makatipid ng pera. Nagpapasalamat pa raw siya kay Duterte sa ‘magandang’ desisyon niyang ito.

“I never minded that very much, to be honest. If they would like to do that, that’s fine. We’ll save a lot of money. You know, my views are different than other people. I view it as, ‘Thank you very much. We save a lot of money,’” sabi ni Trump sa isang pahayag.

Bago pa man ang pagkalas ni Duterte sa VFA dahil umano sa Visa ni dela Rosa, una nang ipinahayag ng pangulo na pinag-iisipan na niyang kanselahin ang kasunduang military ng US at Pilipinas dahil gusto niyang pagtuunan ng pansin ang mas gumagandang relasyon ng bansa sa China at Russia.

Kinansela kasi ng US ang Visa ni dela Rosa dahil sa paglagda ni Trump ng probisyong magbabawal sa mga pagpasok sa Amerika ng mga may kinalaman sa pagpapabilanggo kay Senador Leila de Lima. Dahil kilalang kapartido ng pangulo si dela Rosa, nasampolan siya ng pag-ban ng US.

Larawan mula sa PNA

Nauna nang inihayag ni Senador Panfilo Lacson na hindi siya pabor sa pagkansela ng VFA dahil mawawala rin sa bansa ang malaking tulong sa military. Mawawala rin ang ilang joint military exercises katulad ng Balikatan Exercises.

Unang nilagdaan ang VFA noong 1998 sa pagitan ng bansa at Amerika. Nagkaroon man ng iba’t ibang isyu sa pagpapatupad nito sa loob ng ilang dekada, naniniwala pa rin ang ilang mambabatas na makasasama sa bansa ang tuluyang pagkansela sa nasabing kasunduan.

Loading…