Wow! Handwritten notes ng estudyante tungkol sa ‘Noli Me Tangere’, patok sa netizens

  • Viral sa social media ang nakabibilib na handwritten notes ng isang mag-aaral tungkol sa Noli Me Tangere
  • Hinangaan ng netizens ang galing ni Tine Pilaro sa pagdisenyo ng kaniyang notebook at maging sa kaaya-aya nitong pagsusulat
  • Marami rin ang nagpahayag ng kanilang pagkatuwa sa estudyanteng naging malikhain sa nilalaman ng kaniyang kwaderno

Marami ang bumilib sa isang mag-aaral matapos nitong ibida ang kaniyang kwaderno na tumatalakay sa istorya ng Noli Me Tangere.

Imahe mula kay Tine Pilaro | Facebook

Ibinahagi mismo ng estudyanteng si Tine Pilaro ang kaniyang handwritten notebook sa Facebook noong January 31 na humakot naman ng atensyon ng maraming online users.

Kabilang sa mga pahinang kaniyang in-upload ay ang tungkol sa talambuhay ni Dr. Jose Rizal na siyang Pambasang Bayani ng Pilipinas at may akda ng Noli Me Tangere na bahagi na ng kasaysayan ng bansa.

Isinama rin nito ang kaniyang gawa sa mga pahinang naglalaman ng mga tauhan sa kuwento at mga buod sa bawat kabanata nito.

Maliban sa mga mahahalagang detalye tungkol sa kuwento ng Noli Me Tangere, mapapansin rin sa mga larawan na kaniyang in-upload ang kaaya-ayang handwriting ni Tine na siya namang hinangaan ng netizens.

Agad ring nag-viral ang post dahil sa linaw ng nilalaman ng kaniyang notebook at sa kaaya-aya nitong disensyo na paniguradong pinagpaguran ng mag-aaral.

Ilang netizens rin ang nagpahayag ng kanilang pagkabilib sa sipag at tiyaga ni Tine sa pagsusulat.

“Napapaisip tuloy ako kung notebook o scratch paper compilation ba yung sa kin,” biro ni ARC.

“Galing naman. Sana all talaga!” ani MC.

“Noong pinapasulat kami ng 60+ na kabanata sa big notebook dati sobrang rush na rush kasi sa isang araw tatlong chapters ang nirereport. All hail sa mga maganda sulat at kayang lagyan ng design ang notebooks nila,” pahayag naman ni DV sa comment section.

Imahe mula kay Tine Pilaro | Facebook

“Maganda na nga sulat, dinagdagan pa ng pictures and design. Nasaan ang hustisya? Hehe. Idol ko na po kayo,” sabi pa ni RM.

Sa kasalukuyan ay umani na ang post ng mag-aaral ng halos 7,000 reactions at mayroon na rin itong 19,000 shares sa Facebook.

Source :

Facebook

Loading…