Yam Concepcion sa usapin ng breach of contract: “Parang hindi ko yata kayang gawin iyon”

  • Hindi umano gagawin ni Yam Concepcion ang “breach of contract” sa production firm na namamahala sa kaniyang career
  • Dapat daw marunong tumanaw ng utang na loob at magpakita ng kababang-loob ang isang empleyado sa kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan upang patuloy na pagpalain
  • Muling mapapanood si Yam sa teleseryeng “Love Thy Woman”

Muling nagbabalik sa isang teleserye ang aktres na si Yam Concepcion matapos ang matagumpay niyang pagganap sa teleseryeng “Halik” sa ABS–CBN Kapamilya Network na nagsimula noong Agosto 2018 at nagtapos noong Abril 2019 kasama sina Jericho Rosales, Yen Santos, at Sam Milby.

Kabilang si Yam sa bagong susubaybayang teleserye sa Kapamilya Gold na “Love Thy Woman” kasama sina Xian Lim at Kim Chiu, gayundin ang iba pang premyado at de–kalibreng mga artista tulad nina Christopher De Leon, Eula Valdez, Sunshine Cruz, Zsa Zsa Padilla, Rufa Gutierrez, at marami pang iba.

Public Domain Image

Sa press conference ng Viva Films na ginanap sa Novotel noong Lunes, Pebrero 3, 2020, diretsahang sinabi ni Yam na wala siyang lakas ng loob na gawin ang “breach of contract”, kung sakali mang mangyayari ito, sa production firm na kaniyang kinabibilangan.

“Parang hindi ko yata kayang gawin ‘yun, wala akong lakas ng loob gawin ‘yun. Kasi institusyon na ang Viva, ‘yun ang kinakalaban mo. Ako, I’ll just stick kung ano ‘yung napag-usapan, gawin natin ‘yung napag-usapan. Siyempre, ayoko naman ng ganun, hindi ako ganun. Like any other employee, siguro ako ‘yung employee na loyal sa isang kompanya,” sagot ni Yam.

Dagdag pa ni Yam, ang susi lamang daw upang magkaroon ng harmonious relationship sa pagitan ng isang empleyado at kompanya ay maayos na pakikipag–ugnayan. Maging bukas at tapat upang magawan ng paraan at mapag–usapan ang mga conflic sa schedule.

“Kailangan open ka sa kanila, sa mga ayaw mo, ayaw mo. Meron rin, kasi nga hindi dahil ayaw kong gawin because of the story, it’s because ‘yung timing lang, kung kailan gagawin kasi hindi malagay sa schedule. Teleserye kasi ginagawa ko, ang hirap gumawa ng pelikula kasi puyat–puyat,” ani Yam.

Public Domain Image

Mahalaga umano ang pagtanaw ng utang na loob at pagiging mapagkumbaba sa trabaho. Aniya, “Siyempre, importante ‘yan kahit saang trabaho ka, kailangang marunong ka, dapat huwag mong kalimutan kung san ka nanggaling. Kailangan magpasalamat ka, kung sino nagpasikat sa’yo, kung sino nagbigay sa’yo ng trabaho, you should also be grateful, mas lalo ka pagpapalain kung ganoon ‘yung attitude mo.”

Naungkat ang usaping ito dahil sa biglang pag–alis ng sikat na aktres na si Nadine Lustre sa poder ng Viva. Ayon kay Yam, handa umano siyang makatrabaho si Nadine sa mga susunod niyang proyekto. “Oo naman, why not? Hindi naman porke’t umalis na siya sa Viva eh, magiging isyu rin sa ‘kin ‘yon.”

Ang “Love Thy Woman” ay mapapanood sa Kapamilya Gold sa Pebrero 10, 2020 kapalit ng matagumpay na teleseryeng “Kadenang Ginto”. Panoorin ang trailer nito via YouTube channel:

 

Loading…