Your original VJs: Nasaan na ba ang mga orihinal na VJ ng music channel na MYX?

  • Sinariwa ng isang netizen ang mga naunang taon ng music channel na MYX Philippines
  • Kabilang sa mga inaalala nila ang unang batch ng mga MYX VJs na gumawa rin ng pangalan sa showbiz
  • Noong 2018 ay nag-reunion ang mga original MYX VJ sa isang event ng music channel

Noong 2000, inilunsad ang kauna-unahang music program na MYX sa Studio 23. Layunin daw nitong palitan ang MTV Philippines na opisyal na music channel ng Pilipinas noon. At nang pumatok, naging isang solo channel na ito sa cable TV na hanggang ngayon ay nagbibigay ng mga makabagong musika sa mga mahihilig sa iba’t ibang awitin.

At dahil isang music channel ang MYX, mayroon din na mga nagsilbing video jocks (VJ) dito na ngayon ay nasa kani-kanilang mga sikat na karera na. Sa isang memory lane post sa Twitter, sinariwa ng netizen na si Jose Julius Czar ang kauna-unahang batch ng sumikat na VJ ng MYX.

Larawan mula sa Tweet ni Jose Julius Czar

Ito ay kinabibilangan ng mga popular na Kapamilya teen stars noon na sina Nikki Gil, Geoff Eigenmann, Heart Evangelista, Lucky Manzano, Karel Marquez, at Iya Villania. Maliban sa pagiging VJ ng MYX, kilala rin sila sa mga TV at movie projects nila na talaga namang hinangaan noon.

Ngayon, ang batch na ito ay wala na sa MYX. Mayroon na silang kanya-kanyang tinatahak na landas sa buhay habang ang iba naman ay nananatiling aktibo sa showbiz. Ang iba sa kanila ay mayroon nang sariling pamilya habang ang ilan naman ay nasa ibang bakuran na.

Isa sa mga nagtagal na VJ ng MYX ay ang aktres, singer, at host na si Nikki Gil. Noong 2016, tuluyan nang nag-resign si Nikki bilang VJ matapos ang mahigit isang dekadang stint bilang bahagi ng music channel. Ngayon ay hindi na gaanong aktibo si Nikki sa showbiz at mayroon nang asawa at anak.

Naging haligi rin ng MYX ang premier Kapamilya host na si Luis Manzano. Pumasok siya sa MYX noong 2003 at umalis noong 2013 para mas mag-focus sa ibibigay na projects ng ABS-CBN dahil nabuo na niya ang image niya bilang isa sa pinakamahusay na hosts sa bansa.

Ang paglipat naman sa Kapuso network ang dahilan kung bakit wala na sina Iya Villania at Heart Evangelista sa MYX. Bahagi na si Iya ng primetime news cast na 24 Oras habang si Heart naman ay isa sa prime actresses ng GMA Network.

Larawan mula sa Instagram post ni Heart Evangelista

Si Geoff Eigenmann naman ay lumipat sa GMA nang matapos ang MYX VJ stint niya. Gayunman, noong nakaraang taon ay lang ay nagbalik na siya sa ABS-CBN at gumawa ng isang teleserye. Si Karel Marquez naman ay lumipat din noon sa GMA Network ngunit huminto sa showbiz nang magkaroon ng sariling pamilya.

Noong 2018, nagkaroon ng reunion ang ilang original MYX VJ sa ginawang MYX Music Awards kabilang na sina Nikki, Heart, Lusi, at Iya.

Loading…