?5,000 pinansiyal na tulong at pansamantalang trabaho hatid ng DOLE sa mga apektadong manggagawa

  • Maraming manggagawa ang apektado ng enhanced community quarantine
  • Bilang tugon ng gobyerno, nagsimula nang mamahagi ang Department of Labor and Employment ng pinansiyal na tulong sa mga apektadong manggagawa
  • May pansamantalang trabaho rin silang ibibigay sa mga manggagawa sa impormal na sektor na hindi makapagtrabaho dahil sa sitwasyon

Dahil sa ipinatutupad ng enhanced community quarantine, maraming manggagawang Pilipino ang nawalan ng pagkakakitaan. Sa kabila ng mga suliraning kinahaharap natin, gumagawa naman ng paraan ang ating gobyerno upang makatulong sa mga mamamayan.

Imahe mula sa Pixabay

Isa na rito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ginagawa ang kanilang tungkulin upang mapangalagaan at matugunan ang ilan sa mga pangangailang ng mga manggagawang Pilipino.

Noong Biyernes, Marso 20, 2020, nagsimula nang mamahagi ang DOLE ng kanilang tulong pinansiyal sa mga manggagawang hindi makapagtrabaho dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa.

Ayon sa GMA News, inanunsiyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagsimula na silang mamahagi ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng ?5,000 bawat manggagawa, anuman ang kanilang estado sa trabaho.

Gayunman, nilinaw rin ni Bello na ang mga makatatanggap lamang nito ay ang mga manggagawang kasama ang pangalan sa ipinasang payroll list ng mga employers sa DOLE.

Bukod sa tulong pinansiyal na ito, isinulong din ng DOLE ang kanilang Tulong Pangkabuhayan sa Displaced/Underprivileged Workers (TUPAD).

Ang TUPAD ay isang emergency employment program kung saan pansamantalang bibigyan ng trabaho ng ating gobyerno ang mga manggagawang nasa impormal na sektor.

Imahe mula sa Department of Labor and Employment Facebook page

Ang mga manggagawang sasailalim sa TUPAD ay inaatasan na maglinis at mag-disinfect ng kanilang pamamahay at ng kanilang barangay. Bibigyan sila ng DOLE ng cleaning solutions at personal protective equipment para maisagawa ito.

Bibigyan din sila ng brochures na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa kung paano mapananatiling ligtas at malusog sa ganitong sitwasyon.

Loading…