2 PNP General sa bumagsak na helicopter kritikal ang kondisyon

  • Dalawang PNP Generals na kasama sa bumagsak na helicopter nasa kritikal na kalagayan
  • PNP chief Archie Gamboa ligtas at nailipat na sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City
  • Bumuo ang PNP ng probe team na mag-iimbestiga sa aksidente

Walang malay at nasa kritikal na kondisyon ang dalawang heneral ng Philippine National Police (PNP) na kasama ni PNP chief Archie Gamboa sa bumagsak na helicopter sa Laguna nitong Huwesbes ng umaga, ika-5 ng Marso.

Imahe mula sa PNA

Kinilala ni Police Major General Benigno Durana Jr., hepe ng PNP Directorate for Police Community Relations, ang dalawa bilang sina PNP Director for Intelligence P/Major General Mariel Magaway at Director for Comptrollership P/Major General Jose Maria Ramos.

“Si General Magaway at General Ramos ay nasa critical condition. They are being well-taken cared of by doctors in Laguna. They will be mobilized sa pinakamalapit na ospital o dito sa Maynila,” sabi ni Durana sa isang press conference.

Ligtas at nasa mabuting kalagayan naman si PNP chief Gamboa na nailipat na sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Agad na dumalaw si Senator Ronald Dela Rosa nang mailipat na si Gamboa sa St. Luke’s. Nagbahagi pa ng ilang larawan ang senador na nagkukumpirmang nasa maayos na kalagayan ang PNP chief. Makikitang nag-thumbs-up sign pa ito.

“Conscious naman siya… knockout lang talaga siya. Ang results ng CT scan niya ay okay, so far,” sabi ni Dela Rosa.

Imahe mula kay Sen. Ronald Dela Rosa

Nasa mabuti na ring kalagayan ang isa pang high-ranking PNP officer na si PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac.

Bukod sa apat na matataas na opisyal ng PNP, kasama sa bumagsak na PNP chopper ang dalawa pang police officers at dalawang piloto.

Samantala, bumuo na ang PNP ng probe team – ang Special Investigating Task Group, na magsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring aksidente. Pamumunuan ito ni Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar.

Imahe mula sa UNTV

Loading…