Abot-kaya pero masarap: Naranasan mo na bang mag-ulam ng mga tigpipisong chichirya?

  • Trending sa social media ang larawan ng isang simple pero patok na ulam
  • Ibinahagi ng netizen ang kanyang ulam na tigpipisong chichirya
  • Marami naman ang naka-relate sa post dahil ugali rin nila ang mag-ulam ng mga ito

Inaabangan ng marami sa atin kung ano ang ihahandang ulam para sa pananghalian at hapunan. Kadalasan ay umaasa tayong masarap at paborito natin ang ihahanda ng ating mga nanay para naman mapawi ang mga pinagdaanan natin sa buong maghapon ng pakikipagsapalaran sa eskwela at trabaho.

Ngunit para sa ilan, ang masarap na ulam ay hindi laging kailangang paghirapang lutuin. Mayroong ilan sa atin na solb na sa mga pagkaing ready to eat na tulad ng mga delata. Pero mas may instant pa sa mga ito — ang mga tigpipisong chichirya.

Larawan mula sa Facebook page ni Jonalyn Ham

Ito ang ibinida ng netizen na si Jonalyn Ham sa kanyang Facebook post.

Makikita sa kanyang post ang larawan ng isang plato ng kanin na mayroong kakaiba pero masarap na ulam, ang pisong chichirya na Kiss. Siyempre, mas masarap ang mala-chicharon meal ni Jonalyn kung isasawsaw sa suka na may sili at bawang.

Ayon sa kanya, noon daw kahit ganito lamang ang ulam niya ay masaya na siya. Iba-iba ang tigpipisong chichirya na mabibili sa mga sari-sari store noon. Dahil malasa ang mga ito, perfect na ipares ito sa kanin at nakapagbibigay ng lasang hinahanap mo sa isang ulam.

“Ito lang dati ulam, masaya na ako. Share sa mag-ulam din nito,” sabi ni Jonalyn sa kanyang viral post. Habang isinusulat ang kuwentong ito, umabot lang naman sa 4,500 reactions, 1,300 comments, at 39,000 shares ang nakuha ng post na iyon.

Nalaman ni Jonalyn na hindi siya nag-iisa sa kanyang favorite ulam. Maraming netizens ang nagbahagi ng kani-kanilang paboritong pisong chichirya na madalas din nilang gawing ulam. May mga nag-send ng larawan ng ilang chicha tulad ng Bangus, Dipsea, Cracklings, at iba pang kutkutin na mabibili sa napakamurang halaga.

Larawan mula sa Facebook comment ni Geoffrey John Padilla

Ayon naman sa ibang netizens, ito ang kanilang madalas na takbuhan kapag ayaw nila ang ulam na niluto ng kanilang nanay. Tatakbo raw sila agad sa kanilang suking tindahan at bibili o uutang ng mga chichiryang ito.

“Hahaha. Those were the days. Kapag ayaw ko ang ulam namin, solve na ako sa ganitong ulam. Minsan nga uutangin pa sa tindahan,” komento ng isang netizen.

Loading…