ACT-CIS Rep. Eric Yap, negatibo sa COVID-19; RITM, humingi ng tawad sa maling resulta

Imahe mula sa Congress at RITM
  • Humingi ng paumanhin ang RITM kay Rep. Eric Go Yap dahil nagkamali sila sa inilabas na resulta ng COVID-19 test nito
  • Negatibo raw ang mambabatas at nagkaroon lamang ng ‘encoding error’
  • Tinanggap ni Yap ang paghingi ng tawad ng RITM at sinabing titiyakin niyang mabibigyan ito ng sapat na pondo para sa kanilang pasilidad

Nilinaw ng RITM na negatibo sa COVID-19 si ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap.

Sa pahayag ng RITM ay humingi sila ng paumanhin kay Yap dahil sa “encoding error” na napag-alaman ng Molecular Biology Laboratory ng Department of Health – RITM. “We profusely and sincerely apologize to Hon. Eric Go Yap for the unnecessary discomfort this incident has caused,” sabi ng RITM.

Imahe mula sa Facebook RITM

Ang responsable raw sa pagkakamaling ito ay augmentation staff na hindi kasama sa regular workforce ng laboratoryo. “Said employee is already being dealt with administratively,” pagtitiyak nila.

Sa kabila nito, sinisigurado nilang ang kanilang testing process ay sumusunod sa World Health Organization (WHO) protocol at nananatiling accurate ang kanilang mga resulta.

“The polymerase chain reaction (PCR) testing procedure still stands as the gold standard in detecting the genetic sequence of the SARS-CoV-2—the virus that causes COVID-19,” anila.

Nireview na rin daw nila ang mga resultang kanilang inilabas at tinitiyak nila na isolated incident ang nangyari kay Yap.

“We have also added another layer of verification for all succeeding reports we will submit,” saad nila. “We promise that this, and other associated incidents, will never happen again.”

Sa isang pahayag ay sinabi naman ni Yap na tinatanggap niya ang paghingi ng tawad ng RITM at bilang Chairperson ng House Committee on Appropriations ay titiyakin daw niyang mabibigyan ng sapat na pondo ang RITM upang maiayos ang kanilang mga pasilidad.

Imahe mula sa Facebook | Eric Go Yap

“Uulitin ko, buong pus0 kong tinatanggap ang apology ng RITM at hindi ko ikinagalit ang nangyari. Nais ko ring ipabatid sa lahat na walang dapat ipag-alala ang ating mga kababayan dahil credible at competent ang RITM,” aniya.

Una nang sinabi ni Yap na handa siyang harapin ang kas0ng isasampa sa kaniya ng Presidential Security Group (PSG) dahil umano sa paglabag niya sa COVID-19 protocol ng Palasyo nang dumalo siya sa talakayan para sa special powers ni Pang. Duterte noong March 21.

Samantala, sa kabila ng paglilinaw ng RITM ay patuloy pa rin daw ang gagawing imbestigasyon ng PSG, ayon sa kanilang commander na si Jesus Durante III.

“[The] investigation continues and I will just wait for the recommendation of the team. But if the investigation team recommends that it will be dropped then so be it,” aniya.

 

Loading…