Action Center ni Idol Raffy Tulfo hindi muna tatanggap ng reklamo

  • Hindi muna tatanggap ng mga reklamo ang programa ni Raffy Tulfo
  • Ginawa ito ng pamunuan ng News5 sa gitna ng patuloy na pagkalat ng COVID-19
  • Pinuri ng mga netizens ang ginawang hakbang ng News5 management

Araw-araw ay dinaragsa ng napakaraming tao ang istasyon ng TV5 upang humingi ng tulong kay Raffy Tulfo na maresolba ang kanilang mga hinaing at reklamo sa pamamagitan ng “Sumbong at Aksyon” segment ng programa niyang Wanted sa Radyo.

Imahe mula kay Lourd de Veyra

Subalit dahil sa dumaraming kaso ng nakahahawang COVID-19 at pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency sa buong bansa ay minabuti ng News5 management na itigil pansamantala ang pagtanggap ng mga reklamo mula sa publiko.

Sinabi ng News5 management na ang hakbang na ipinatupad ay isang uri ng preventive measure na naglalayong maprotektahan ang kalusugan ng mga tao, partikular na ang mga nagnanais humingi ng tulong sa iniidolo nilang si Raffy Tulfo.

Pansamantala munang isasara ang Action Center upang makatulong sa pag-iwas na kumalat ang COVID-19.

“Aksyon Center Temporily Closed. Matapos magdeklara si Pangulong Duterte ng State of Public Health Emergency, minarapat po muna naming na pansamantalang itigil ang pagtanggap ng reklamo mula sa kapatid namin na pumipila para magsumbong sa Aksyon Center ni Raffy Tulfo. Ito ay para makaiwas ang aming mga complainant sa nakahahawang sakit na COVID-19,” ayon sa advisory na inilabas ng News5 management sa Facebook page nito.

Screenshot ng News5 advisory

Pinuri naman ng ilang netizens ang ginawang hakbang ng pamunuan ng News5. Pero may ilan ding nagtatanong kung paano naman silang mga pumila nang matagal at nabigyan na ng numero para sa schedule nilang makapagreklamo.

“Libo din kasi araw araw ang Lagi na punta sa TV5 sa aksyon Center para huminge ng tulong. Good moves TV5.”

“Ok po yan idol para sa kaligtasan ng lahat.”

“Paano po ‘yung mga pumila kanina at nakakuha ng mga number para bukas?”

Malamang ay sa mga susunod na araw ng kanilang muling pagbubukas na po iyan!

Screenshot mula sa video ng Wanted sa Radyo

Loading…