Ah ganun pala! Isa ka ba sa mga nagtataka kung paano naipapasok sa mall ang mga kotse na naka-display?

  • Trending sa social media ang isang larawan na sagot sa matagal nang katanungan ng marami
  • Ipinakikita kasi nito kung paano nakapapasok at nakalalabas sa mall ang mga sasakyan
  • Madalas kasing may sasakyan sa loob ng mga mall na doon ibinebenta o ‘di kaya naman ay papremyo sa ilang raffle

Bilang isang nilalang, marami tayong mga tanong sa mundo na hindi natin mabigyan minsan ng sagot. Kung minsan, kahit isang simpleng bagay ay pinagtatakhan natin kung paano nangyayari o naisasakatuparan. Madalas ay iniisip natin ang mga ito kahit hindi naman na natin dapat intindihan pa.

Isa sa mga ito ay ang pagtataka ng marami sa atin kung paano naipapasok ang mga sasakyang naka-display sa loob ng mall. Kadalasan, ang mga sasakyang ito ay ibinebenta ng iba’t ibang car companies sa mas mababang halaga o may espesyal na promo. Kung minsan naman, ang mga sasakyang ito ay papremyo ng mall sa kanilang masusugid na customers.

Larawan mula sa Facebook page na Becky Memes

Sinagot ng Facebook page na Becky Memes ang tanong ng marami kung paano naipapasok sa mall ang mga sasakyan. Makikita sa in-upload na larawan ang dahan-dahang paglabas o pagpasok ng sasakyan sa mall.

Tulad ng mga tao, sa entrance din dumaraan ang mga sasakyan. Kaya pala mayroong maraming glass door ang mga mall dahil binubuksan ito kapag papasok o lalabas ng pamilihan ang mga sasakyan. Nilalagyan din ito ng metal ramp at ikinakabit sa hagdan ng mall para magsilbing maayos na daanan ng sasakyan.

Mayroong nagmamaneho rito na inaalalayan naman ng staff ng mall, kasama na rin ang mga guwardiya upang ligtas na maipasok at mailabas ang mga sasakyan sa mall. May nakaabang din na truck sa labas ng mall na siya namang magsasakay sa kotse patungo sa auto shop na kinabibilangan nito.

Nag-upload ng maikling video ang netizen na si Errol Panganiban sa comment section ng Becky Meme post na ipinakikita ang paglabas ng isang magarang sasakyan sa isang malaking mall sa Taguig. Tulad ng nasa larawan ng Becky Memes, sa entrance/ exit door din ng mall dumaan ang sasakyan bago isinakay sa truck.

Larawan mula sa Facebook post ni Errol Panganiban

Dahil maraming netizens ang napa-aha sa larawan, agad naman itong nag-viral sa social media. Habang isinusulat ang istoryang ito, nasa higit 3,400 reactions, 990 comments, at 8,700 shares na ang nasabing post.

Maraming netizens din ang nagsabi na makatutulog na sila nang mahimbing tuwing gabi dahil sa nalaman na nila kung paano nakapapasok ang mga sasakyan sa loob ng mall. Habang ang iba naman ay nagtatanong kung paano naman naipapasok sa mas mataas na palapag ng mall ang mga sasakyan.

Loading…