ALAMIN: Paano gumawa ng hand sanitizer at disinfectant?

Imahe mula sa Unsplash
  • Nagbahagi ang World Health Organization ng formula ng hand rub
  • Samantala, nagturo naman ang isang chemist kung paano gumawa ng home-made disinfectant
  • Makatutulong ang mga ito upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19

Isa ka ba sa mga naubusan ng alcohol o hand sanitizer matapos na mag-panic buying ang mga Pilipino sa pangambang tuluyang kumalat ang COVID-19? ‘Wag kang mag-alala dahil may inilabas ang World Health Organization (WHO) na formula ng hand rub.

Imahe mula sa video ng Umagang Kay Ganda via YouTube

Dahil pangmaramihan ang guideline na inilabas ng WHO ay gumawa ang website na Popular Science ng bersyon nito na sapat lang para sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay.

Kakailanganin mo ang mga sumusunod: 1 cup na 99 percent isopropyl acohol, 1 kutsarang 3 percent hydrogen peroxide, 1 kutsaritang 98 percent glycerin, at 85 milliliters ng sterile distilled o boiled cold water.

Isalin ang alcohol sa isang lalagyan. Idagdag ang hydrogen peroxide saka isunod ang glycerin. Haluin ito nang mabuti. Isalin ang tubig. I-sanitize ang bote bago ilagay dito ang sanitizer.

Samantala, sa isang episode ng Umagang Kay Ganda, nagturo naman si Janir Datukan, isang chemist sa Philippine Normal University kung paano gumawa ng home-made disinfectant na maaaring gamitin upang linisin ang mga sulok sa bahay na maaaring kapitan ng mga germs.

Imahe mula sa video ng Umagang Kay Ganda via YouTube

Pagsamahin daw ang pantay na dami ng tubig at suka at saka dagdagan ng essential oil upang mawala ang amoy ng suka.

Maaari ring pagsamahin ang lemon, suka, tubig, hydrogen peroxide, at baking soda. Puwede ring gamitin ang hydrogen peroxide at suka nang magkahiwalay dahil magre-react daw ito kapag pinagsama.

“So basically, nililinis mo yung surfaces. Bukod doon, tinatanggal mo yung mga germs. Hopefully, kasama na yung COVID-19. All natural ingredients ito na hindi nakakasama sa katawan at nakikita natin usually sa ating household,” sabi ni Datukan. “As much as possible, isolate the area para hindi mo ma-inhale, mga 5 to 10 minutes.”

Paalala naman ng mga eksperto, wala pa ring tatalo sa tamang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Iwasan ding hawakan ang mukha upang hindi mahawaan ng COVID-19.

Loading…