Alertong driver: Netizen, ibinida ang nasakyang jeep na may nakasabit na sanitizer at pamaypay para sa mga pasahero

  • Hinahangaan ngayon ang isang jeep sa Pampanga dahil sa pagiging handa nito
  • Mayroon kasing sanitizer at pamaypay sa loob ng jeep panlaban sa COVID-19 at sa init ng panahon
  • Maraming netizens ang nagpaabot ng paghanga sa driver at sana raw ay tularan ng iba pang namamasada

Ngayong dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa, pinag-iingat ng mga awtoridad ang madla upang hindi kapitan ng nasabing karamdaman. Isa sa mga bilin ng mga eksperto ay ang palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, o kung on the go naman ay sasapat na raw ang paggamit ng sanitizer.

Ito rin ang dahilan kung bakit ang isang jeep ngayon sa Pampanga ay naging alerto at sinisigurong malalabanan ang COVID-19. Trending ang larawan na ibinahagi ng netizen na si Deck Garcia sa pamamagitan ng Facebook page ng CLTV 36 News kung saan makikita ang isang jeep na may nakasabit na mga pamaypay at sanitizer.

Larawan mula kay Deck Garcia

Nakasabit sa hand rails ng magkabilang bahagi ng jeep na nasakyan ni Deck na biyaheng Apalit hanggang San Fernando ang mga pamaypay at sanitizer. Dahil daw umpisa na ng tag-init, malaking tulong ang mga abanikong nakalagay sa jeep.

Pero mas natuwa naman ang mga pasahero sa libreng sanitizer para sa mga kamay dahil malaking panlaban sa virus o COVID-19. Malaking tulong daw kasi ito lalo na’t madalas na nagkakaubusan ng suplay nito sa mga pamilihan habang ang iba naman ay walang dalang pang-sanitize ng kanilang mga kamay.

Naglalagay daw ng sanitizer sa kamay ang mga pasahero pagsakay at kapag bababa ng jeep para masigurong hindi kakalat ang anumang uri ng virus. Maliban sa dalawang amenities, mayroon ding telebisyon sa loob ng jeep. Pak! Ganern!

“Summer at COVID-19-ready ang jeep na nasakyan ng citizen journalist na si Deck Garcia mula Apalit hanggang San Fernando Intersection. Tuwang-tuwa raw ang kanyang mga kasakay habang ginagamit ang mga pamaypay. Nag-sanitize din daw sila bago bumaba ng jeep,” sabi ng post ng CLTV 36.

Larawan mula kay Deck Garcia

Marami naman ang humanga sa driver ng jeep na may kakaibang paandar sa kanyang pamasadang sasakayan.

Ayon sa kanila, nakahahanga ang ginawang ito ng driver dahil kahit dagdag gastos ang paglalagay ng mga ito, ginawa pa rin ito ng driver para sa kaligtasan ng kanyang mga pasahero.

Sana raw ay tularan ang driver ng iba pang katulad niyang namamasada upang kahit papaano ay makagawa ng hakbang upang hindi na kumalat pa ang COVID-19 sa bansa.

Loading…