Angkas nag-anunsiyo na may food delivery service na sila; lahat ng kita ay mapupunta sa kanilang riders

  • Magkakaroon na ng food delivery services ang motorcycle taxi application na Angkas
  • Mayroon silang mga partner establishments na maaaring mag-deliver ng pagkain sa Angkas Food
  • Lahat daw ng kikitain ng isang Angkas rider ay mapupunta sa kanya lahat bilang tulong ng Angkas

Maituturing din na frontliners ang mga kababayan nating patuloy na nagde-deliver ng mga pagkain at iba pang pangangailangan sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine. Imbes kasi na manatili sa bahay upang maging ligtas, mas pinipili nilang magserbisyo para sa kanilang mga kababayan dahil mahalaga ang pagkain at iba pang kagamitan na sila lamang ang makapagdadala.

Dahil dito, inumpisahan na rin ng motorcycle riding app na Angkas ang kanilang bagong serbisyo—ang Angkas Food. Ito ay isang food delivery service na pansamantalang papalit sa Angkas na nakilala bilang isang ride sharing app.

Larawan mula sa Twitter account ng Angkas

Sa kadahilanang bawal muna pumasada ang mga Angkas rider ngayon, ginawan ng paraan ng Angkas na mabigyan pa rin ng trabaho ang mga rider nila na gustong kumita at makatulong na rin sa kanilang kapuwa sa mga ganitong panahon.

Ang magandang balita pa, ang lahat ng kikitain ng Angkas rider mula sa pagdala ng pagkain sa mga customers ay mapupunta lahat sa mga rider at walang anumang komisyon na kakaltasin ang Angkas. Ito raw ay bilang tulong na rin nila sa kanilang mga minamahal na rider.

Gayunman, medyo kakaiba ang magiging pagpapa-deliver ng pagkain gamit ang Angkas Food. Ayon sa kanilang inilabas na instruction sa Twitter, kailangan munang tawagan ng customer ang restaurant na pagbibilhan ng pagkain. Matapos daw nito ay dadalhin ng Angkas rider ang pagkain sa address na ibinigay ng customer.

Nagkakahalaga ng P60 ang delivery fee sa unang 3 kilometro habang nadaragdagan naman ng P10 ang rate sa bawat kilometrong madaragdag. Sasaluhin din ng costumer ang parking fee kung mayroong binayaran ang rider.

Larawan mula sa Twitter account ng Angkas

Maigting din na ipatutupad ng Angkas ang kanilang ‘no touch policy’ at social distancing sa bawat transaksiyon. Ilalagay raw ng rider ang pagkain sa upuan ng motorsiklo at dito kukunin ng nagpa-deliver ang pagkain habang aatras naman ang rider para may distansya pa rin.

Naglabas na rin ang Angkas food ng kanilang mga partner restaurants at food establishments na mayroon na ring available menu mula sa link na ito. Mayroon lang ding delivery hours ang Angkas Food na tumatagal mula 10 ng umaga hanggang 5:30 ng hapon.

Source :

Twitter, GMA News

Loading…