Ano nga ba ang gamit ng “blade” sa mga guro?

  • Tinanong ng isang guro ang kaniyang mga kapwa–guro kung “relate–much” ba sila sa larawang kaniyang ibinahagi sa Facebook post
  • Hawak niya ang isang “blade” habang isinusulat sa report card ang naging marka ng kaniyang mga mag–aaral
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens

Hindi lamang pagtuturo ang pinagkakaabalahan ng mga guro kundi maging ang pagtatantos o pagko–compute ng marka ng mga mag–aaral, na nagmula naman sa kanilang mga naging academic performance sa kanilang mga klase. Sabi nga, “taga–compute” lamang ang mga guro dahil ang mga mag–aaral mismo ang gumagawa ng kanilang mga marka.

At dahil computation na nga ng marka ng mga mag–aaral kahit naka–”work from home” ang mga guro, nakatuwaang tanong at ibahagi ng isang guro sa isang Facebook post ang larawan ng kaniyang paggamit ng “blade” habang matiyagang isinusulat sa report cards ang pinal na marka ng kaniyang mga mag–aaral.

Imahe mula sa Facebook account ni Jhen Amar Salas

Ayon sa kaniyang caption, “ONLY TEACHERS CAN RELATE. Teacher ka kung alam mo kung saan ito ginagamit.”

Kaniya–kaniya namang hula ang mga netizens kung ano nga ba ang gamit ng blade para sa mga pampublikong guro na mano–manong isinusulat ang mga marka ng kaniyang mga mag–aaral.

Sabi ng isa, “Hindi ko pa po nata–try niyan usually kapag nagkamali ako ng enter nagpi–print na lang.”

“Naku, relate na relate diyan ang mga ‘seasoned and legend teachers’. Minsan talaga kailangang gawin iyan eh, hehehehe… kaya kailangan sure na sure na sa ilalagay sa report cards para maiwasan na ang mga pagbubura,” turan naman ng isa.

Komento naman ng isa, “Pang–uka iyan sa mga estudyanteng mahahaba ang buhok tama ba? Hahaha. O kaya naman pangkutkot sa mga daliring may mahahabang mga kuko.”

“Naku, dati ginagawa ko iyan noong manual pa talaga ang computation ng grades. Nakasira pa nga ako ng ilang mga report cards. Hindi kasi puwedeng makita ang bura kapag nagkamali ka, kaya kailangang maging maingat sa pagsulat,” pagbabahagi naman ng isang dating guro.

Public Domain Image

Ang report cards ay karaniwang ibinibigay sa pagtatapos ng Markahan upang malaman ng mga magulang ang naging resulta ng academic performance ng kanilang mga anak sa paaralan.

Loading…