Arkitekto gumawa ng mga home–made medical gears para sa mga frontliners

  • Gumawa ng mga home–made medical gears para sa mga frontliners ang isang mapagkawanggawang arkitekto
  • Ilan sa mga nagawa nila ang mga medical face masks, face shields, PPE, at iba pa
  • Bumaha naman ng papuri at pasasalamat mula sa mga frontliners ang inisyatibong ito ng arkitekto

Masusubok ang tunay na pagmamalasakit sa kapwa sa panahon ng krisis at tunay na pangangailangan. Walang mayaman, walang mahirap. Walang propesyunal, walang karaniwan. Lahat ng uri ng tulong ay mahalaga para sa paglingap sa kapwa.

Kaya naman, isang arkitekto mula sa Quezon City na nagngangalang “Drent Mendoza” ang bumuo ng isang “blue print”, hindi ng isang bahay o gusali, kundi ng kaniyang pagmamagandang loob na gumawa ng mga home–made medical gears gaya ng face masks, face shields, PPE, at marami pang iba, na ipamamahagi sa mga health workers at frontliners na sinusuong ang panganib upang masugpo ang COVID–19 na apat na buwan na ring nananalasa sa buong daigdig.

Imahe mula sa Facebook account ni Drent Mendoza

Batay sa Facebook post ng arkitekto, kasa–kasama niya rin ang kaniyang team at maging pamilya sa pagbuo ng mga home–made medical gears na naipamahagi na rin sa mga health workers at frontliners sa iba’t ibang ospital at barangay. Bumaha rin ng mga donasyon at raw materials mula sa iba’t ibang tao para sa kanilang naisip na proyekto.

“Salamat sa mga tumulong at sumuporta. Huwag kayong magsawa please, dahil hindi pa po kami tapos! And dami pa nating frontliners na kailangang tulungan!” pahayag ng arkitekto sa isa sa kaniyang mga posts.

Makikita rin sa iba pa niyang mga posts na kahit ang maliit niyang anak na lalaki ay nakikisali rin sa paggawa ng mga medical gears; nakatutuwang isipin na kahit musmos pa lamang ang kanilang anak, ibinabantad na niya ito sa mabubuting gawa at kawanggawa.

Umani naman ito ng positibong pagsuporta, papuri, at komento mula sa mga netizens, lalo na sa mga frontliners na naabutan ng tulong.

“Much appreciation for you and your team, Drent, speaking in behalf of the health frontliners. Thank you for taking care of us. We will win this, the WWIII of our generation. Ingat din kayo!” pasasalamat ng isang frontliner.

Sabi naman ng isa, “Good job! Everything has an end, don’t lose our faith.”

“Thanks so much Architect Drent! You guys are a blessing. Sana dumami pa ang mga gaya ninyo na nagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Drent Mendoza

Kudos kay Architect Drent Mendoza at sa kaniyang team! Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal!

Loading…