Babae, naispatang namimigay ng libreng alcohol sa Mandaluyong

  • Isang babae ang naispatang namamahagi ng mga libreng alcohol sa mga tao
  • Nakapuwesto siya sa tabi ng isang footbridge sa Mandaluyong City
  • Nakuhanan ito ng video ng isang concerned netizen, ibinahagi sa Facebook, at umabot sa halos limang milyon ang views

“Ang tunay na kabutihan ng tao ay makikita sa tuwing may mahigpit na pangangailangan.”

Habang nagkakaubusan ng alcohol at iba pang mga medical supplies sa mga supermarkets at grocery stores upang gawing pansariling suplay, o ibenta nang mas mahal sa orihinal nitong presyo, pumukaw sa atensyon ng lahat ang isang babaeng namimigay ng libreng alcohol sa mga tao, sa isang lansangan sa Mandaluyong City.

Sa video na ibinahagi ng concerned netizen na si “Jhen Galupo Adigue” sa kaniyang Facebook post noong Huwebes, March 12, 2020, makikita ang isang babaeng nag–aabot ng maliliit na alcohol na nakasilid sa isang malaking kahon. Nasa tabi siya ng isang footbridge at hindi alintana ang init ng panahon sa pamamahagi ng simpleng biyaya sa mga nagdaraang tao.

Imahe mula sa Facebook account ni Jhen Adigue

Ayon sa post, “#SANAALL. Spread ko lang po ang ating kapatid, namigay po siya ng libreng alcohol sa mga tao, sana mas marami pa siyang matulungang mga tao o mabigyan ng libreng alcohol, dahil ang iba po nating mga kababayan sinasamantala nila na mahalan ang alcohol, ginagawa nilang doble ang presyo.”

Kinalugdan naman ng mga netizens ang naturang babae at binigyang–papuri sa pamamagitan ng mga positibong komento. Nag–alala rin sila para sa kalusugan ng babae dahil kapansin–pansing wala itong suot na facial mask o gloves.

Sabi ng isa, “Mabuti pa si Ate, namimigay ng libre, samantalang ang ibang mga online sellers, nananamantala pa sa sitwasyon na dapat sana ay magkaroon naman sila ng konsiderasyon sa kapwa nila. Kudos, Ate! Pagpapalain ka ng Panginoon sa iyong mabuting hangarin!”

“Ang galing mo Ate… bayani po kayo,  sana mas marami pang katulad mo, hindi katulad ng ibang mga kandidato na tuwing election lang nagpapahalaga sa mga tao. Mabuhay po kayo!” turan naman ng isa.

Papuri naman ng isa, “Ibang–iba ang sitwasyon dito sa Pilipinas. Kung sino pa ang mga walang–wala, sila pa ang mga nagsisitulong. Iyon namang mga naturingang milyonaryo o nakahiga sa pera, wala… hindi mo mahagilap. Tandaan po natin na ang buhay ng tao ay bilog.”

Pagpupugay sa mga katulad ni Ate na may malasakit sa kaniyang kapwa. Nawa ay dumami pa po ang mga katulad ninyo!

Public Domain Image

Loading…