“Bank on Wheels” ng isang bangko, patok sa mga netizens

  • Natuwa ang mga netizens sa “Bank on Wheels” ng isang bangko
  • Para daw ito sa mga nahihirapang mag–withdraw dahil ang ibang ATM ay offline
  • Umani naman ito ng papuri sa ibang mga netizens

Sa panahon ng enhanced community quarantine na ipinatutupad sa buong Luzon, malaking bagay na may perang ipon sa bangko, o kaya nama’y patuloy na pagtanggap ng suweldo mula sa kompanya o trabahong pinapasukan, upang patuloy na makabili ng mga pangunahing pangangailangan.

Subalit sa panahon ngayon, nagkakaubusan na kaagad ng pera sa mga ATM o Automated Teller Machines sa maraming mga bangko. Ang iba  rito, offline pa. Kaya naman, ikinatuwa ng mga netizens ang “Bank on Wheels” ng isang bangko, ayon na rin sa Facebook post ng nagngangalang “”Sarah Mari” noong Marso 26, 2020.

Imahe mula sa Facebook account ni Sarah Mari

“Sa mga nahihirapan mag-withdraw diyan dahil mahaba pila, may pa Bank on Wheels si PNB, any bank puwede naman kaka–try ko lang. Katapat lang ng PTT Zapote,” ayon sa post ng netizen. Ang PNB ay Philippine National Bank. Ang mga bank on wheels ay naispatan sa Zapote, Camarin, Caloocan City.

Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wow! This is really innovative and creative! Kudos! Sana mas marami pang ganitong bank on wheels, especially doon sa mga hindi talaga makaalis at gustong magwithdraw. Sana all!” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Kakatuwa naman ang PNB. Kaya diyan ako nagbangko eh. May isa pa. Sana gumawa talaga sila ng ‘ways’ kasi ang tagline nila, ‘We find ways’ hehehe.”

“Nice PNB! Sana may limit din ang mga nagwi–withdraw, isa o dalawang transactions lang. May iba kasi na wagas kung maka–withdraw, lahat ng ATM cards nila, inilalabas nila, at ang tagal–tagal pa, akala mo iluluwa lahat ng perang laman ng ATM. Be considerate din po, lalo na mahaba ang mga pila dahil may social distancing,” paalala naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Sarah Mari

Ito ang solusyon na naisip ng PNB upang makapag–withdraw ang mga tao, dahil marami sa mga ATM ngayon ay offline. Bagama’t sinasabing bukas ang mga bangko ngayon, may ilang mga bangko na naglimita lamang ng mga bukas na branches sa iba’t ibang lugar.

Loading…