Batang Grade 1 nag-vlog gamit ang CP ng kanilang teacher, may mensahe ng pasasalamat

  • Viral ang isang estudyanteng nag-vlog gamit ang cellphone ng kanilang guro
  • Kagaya ng mga napapanood sa YouTube, may nakaaaliw ring intro ang vlog ng estudyante
  • Sa huli ay nagpahayag ito ng maikling mensahe ng pasasalamat para sa kanilang mga guro

Hindi maikakaila na sa panahon ngayon ay halos sa social media na umiikot ang mundo ng karamihan. Dito na kasi tayo madalas nakakakuha ng mga bagong impormasyon at iba pang mga bagay kung responsableng gagamitin.

I-click ang imahe upang mapanood ang video

Isa ang YouTube sa mga nauusong social media sites kung saan ikaw ay maaaring mag-upload ng sariling video na tinatawag ring “vlog.”

Kadalasan, ang vlog ay maaaring tungkol sa daily routine ng isang tao, sa pamamasyal, sa pagkain, sa pag-cover ng kanta o sayaw, mga health and beauty tips, at maaari ring sa katatawanan o kalokohan na pampa-good vibes.

Nagsimula ring maging biruan ang tinatawag na “intro” ng mga vloggers kung saan babati sila sa kanilang mga subscribers o mga manonood. “Hello, everyone! Welcome back to my channel” ang laging naririnig sa mga sikat na vlogs.

Dahil dito, viral ngayon ang maikli ngunit nakatutuwang vlog ng isang Grade 1 student sa loob ng kanilang silid-aralan na ibinahagi ng kanyang gurong si Nica Mojica sa isang Facebook post.

“Hi, mga ka-hotdog! Nandito po tayo sa YouTube channel,” ang pagbati ng bibong mag-aaral habang nagvi-video gamit ang cellphone ng kanilang guro at kasama pa ang kanyang mga kaklase na nasa kanyang likuran.

“May mga iba pong teacher dito, nagtuturo po sa amin. Nagpapasalamat po kami sa kanila na may natututu(nan kami),” pagpapatuloy niya na talagang kapansin-pansin dahil mukha mang isang biruan lang, nakuha niyang gamitin ang pagkakataong ito upang magbigay ng mensahe ng pasasalamat sa kanilang mga magigiting at masisipag na guro.

Ayon sa caption ni teacher Nica sa naturang Facebook post, “Hindi ko kayang itago lang ito. Sino po ba ang ka-hotdog ng batang ito? Lesson learned: Don’t leave your things and students unattended.”

Imahe mula sa Facebook account ni Nica A. Mojica

Sadyang nakaaaliw talaga ang ginawa ng kanyang estudyante at biro pa ng ilang netizens ay nakikita na nila ang magiging future ng bata – ang maging isang vlogger kagaya ng karamihan ngayon.

Patunay lamang ito na maraming natututunan sa social media, ngunit ang laging paalala ay gamitin lamang ito nang tama.

Loading…