Bawal ang pasaway: Mga lalabag sa community quarantine dapat lang hulihin – Senator Dela Rosa

  • Dapat lang hulihin ang mga pasaway na lalabag sa community quarantine, ayon kay Sen. Dela Rosa
  • Nilinaw niya na hindi ikukulong, bagkus pauuwiin lang ang mga mahuhuling lumalabag
  • Sinabi niya na hindi ito ang tamang panahon para maging matigas ang ulo

Dinepensahan ni Senator Ronald Dela Rosa ang desisyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hulihin ang sinumang lalabag sa mga patakaran na ipatutupad sa buong Metro Manila sa ilalim ng community quarantine.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Ronald Dela Rosa

Sa isang pahayag, sinabi ni Senator Dela Rosa, na dati ring naging hepe ng Philippine National Police, na kailangang sundin ng publiko ang mga kautusan ng gobyerno hinggil sa community quarantine dahil mayroong “global emergency” sanhi ng COVID-19.

Aniya, hindi ito ang tamang panahon para maging matigas ang ulo.

“This is a global emergency so bawal ang pasaway. Hindi ito panahon para maging pilosopo, panahon ito para maging masunurin at matulungin sa ating gobyerno. We need to sacrifice in order to survive this pandemic. It is a necessary measure,” anang senador.

Nilinaw niya na hindi naman dapat ikulong ang mga mahuhuling lumabag sa community quarantine guidelines.

No detention, aniya. Pauuwiin lamang ang mga lalabag.

Nauna nang ipinahayag ni NCRPO chief Debold Sinas na huhulihin nila ang mga violators ng community quarantine sa oras na naipamahagi at naipakalat na ang guidelines ukol dito.

Imahe mula sa NCRPO

Samantala, nilinaw ni justice Secretary Menardo Guevarra na walang magaganap na hulihan habang umiiral ang 30-day community quarantine.

Aniya, ang maaari lang gawin ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay pigilan ang paglabas-pasok ng mga tao sa Metro Manila, maliban na lang sa mga sakop ng exemptions at emergency.

Maaari lang na magsagawa ng warrantless arrest ang PNP o AFP kung pisikal silang sinaktan o binastos habang ipinatutupad ang community quarantine.

Binigyang-diin ng Justice Secretary na ang presensya ng PNP at AFP ay hindi nangangahulugan na ang rehiyon ay nasa ilalim ng Martial Law kundi isang paglaban kontra sa COVID-19.

Imahe mula sa One News

Loading…