Bayan sa India, gumagamit ng “Bamboo Water Bottles” para sa mga turista

  • Makikita sa bansang India ang paggamit ng bamboo water bottles
  • Makatutulong ito upang malimitahan ang paggamit ng plastik
  • Ito ay isang hakbang upang mapigilan o mabawasan ang suliranin hinggil sa pagbabago ng klima o climate change dulot ng polusyon

Sa patuloy na nararanasang pagbabago sa klima o climate change, iba–iba ang pamamaraan ng mga bansa upang makatulong sa pagsawata sa polusyon, lalo na sa mataas na pagkonsumo ng mga sisidlang gawa sa plastik.

Ipinakilala ng bayan ng Sikkim at Lachen sa bansang India ang paggamit ng “bamboo water bottles” o mga bote ng tubig na yari sa kawayan na sadyang ipinagagamit sa mga lokal at dayuhang turista upang mabawasan ang paggamit ng mga plastik.

Public Domain Image

Ang naturang mga bamboo water bottles ay ino-order pa sa Assam sa pamamagitan ng Sikkim Rajya Sabha MP Hishey Lachungpa. Dahil sa magandang adhikaing ito, umo-order ang lokal na pamahalaan ng 1,000 bamboo water bottles upang pamalit sa mga plastic bottles.

Ayon sa panayam ng “Think Change India” sa isang gumagawa nito na si Dhritiman Borah mula sa Assam, India, hindi madali ang paglikha ng mga bamboo water bottles. Inabot umano siya ng isang dekada o sampung taon bago mahanap ang tamang kagamitan at disenyo ng naturang mga lalagyan.

Bawat piraso ng bote ay ginagawa sa loob ng limang oras, na nagsisimula sa pagputol ng kawayan, pagpapakulo rito, pagpapatuyo, pagpapausok, pagkakabit sa iba pang bahagi nito, at pagtapos o finish product.  Ang proseso ng pagpapakulo ay nakatutulong upang lubusang mapatibay ang bote upang magtagal ito ng 18 buwan o katumbas ng isang taon at kalahati.

Noong 2019, matatandaang ipinakilala ni dating senador Pia Cayetano ang paggamit ng bamboo water tumblers sa kaniyang mga kapwa–senador. Layunin niyang mahikayat ang mga ito na limitahan, o tuluyan nang itigil ang paggamit ng mga plastic containers, at simulan nang ipakita ang paggamit ng iba pang mga alternatibo gaya ng kawayan.

Public Domain Image

Loading…