Bianca Umali nagpahiwatig na masaya sila ni Ruru Madrid sa piling ng isa’t isa

  • Hindi man ganap na umaamin sa relasyon, kapansin-pansin ang isang matamis na ugnayan sa pagitan nina Bianca Umali at Ruru Madrid
  • Sa isang panayam, sinabi ng aktres na masaya sila ni Ruru 
  • Masaya at kontento si Bianca sa mga biyayang natatanggap niya sa trabaho man o pag-ibig

Noong nakaraang taon pa lumalabas ang balita tungkol sa diumano’y relasyon nina Ruru Madrid at Bianca Umali na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ganap na inaamin ng dalawa sa publiko.

Imahe mula sa Facebook page ni Bianca Umali

Gayunman, kapansin-pansin ang pagiging blooming ng 20-taong-gulang na dalaga na tila handa na ring tumanggap ng matured roles lalo pa’t makakatambal nito si Dennis Trillo sa upcoming GMA 7 teleserye na Legal Wives.

Kasabay rin ng pagdiriwang ng kaarawan ni Bianca noong Marso 2, 2020 ay inilabas rin ang una niyang single — ang kantang “Kahit Kailan” na may malungkot na tema.

Gayunman, kabaligtaran umano ito ng nararamdamang kasiyahan ni Bianca lalo na sa mga nangyayari ngayon sa kaniyang personal na buhay at karera bilang artista.

“Kung ano ‘yung nafi-feel ko ngayon, sobrang ang sarap mabuhay. Ganoon ka-happy, ganoon ka-fulfilled, ganoong ka-content,” sabi ni Bianca sa isang panayam ng GMA News.

Masasalamin din sa mga social media post ng dalaga kung gaano ito kakuntento at kasaya.

“Grateful. Joyful. Peaceful. My heart is full…” ayon sa isang Instagram post ni Bianca.

Binati rin siya ng rumored boyfriend na si Ruru sa isang Instagram post nito na kalakip ang kanilang larawan. Iyon din ang unang larawan na isinapubliko ng aktor na magkasama ang dalawa.

“Happy birthday, moonlight,” sabi ni Ruru.

Ngunit nang tanunging muli si Bianca kung ano ang estado ng relasyon nila ni Ruru ay hindi ulit ito direktang sumagot.

“Happy ako, iyon lang po ‘yung sasabihin ko. Basta happy ako, happy siya, happy kami,” ayon sa dalaga.

Imahe mula sa Facebook page ni Ruru Madrid

Samantala, isa pang dumagdag sa kasiyahan ng aktres ay ang pagkakasama nito bilang bida sa ikatlong season ng isang programa ng HBO na pinamagatang Half Worlds sa direksiyon ni Mikhail Red.

Maganda ang pasok ng taon kay Bianca. Isa siya sa mahuhusay na aktres sa kaniyang henerasyon na nagpapamalas na rin ng husay sa pagkanta.

Loading…