Bigtime rollback sa mga produktong petrolyo ipatutupad ng mga oil companies

  • Oil companies sa bansa magpapatupad ng bigtime rollback sa presyo ng produktong petrolyo
  • Sa susunod na linggo ay magtatapyas ang Petron ng P4 kada litro sa gasolina at krudo
  • Ang Phoenix ay nagbawas na ng P3 kada litor sa gasoline at krudo noon pang Biyernes, ika-13 ng Marso

Magpapatupad ng malakihang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga oil companies sa bansa sa susunod na linggo.

Imahe mula sa Motorcycle Philippines

Simula alas-sais ng umaga sa Martes, ika-17 ng Marso ay magpapatupad ng price rollback ang Petron. Tatapyasan ng P4 kada litro ang presyo ng gasolina at krudo, samantalang P4.50 kada litro naman ang ibabawas sa kerosene.

Ang price rollback ay sumasalamin daw sa galawan ng international oil market, ayon sa Petron.

Noong Biyernes ay nauna nang magbawas sa presyo ng petrolyo ang Phoenix Petroleum Philippines. Tatlong piso kada litro ang ibinaba sa presyo ng kanilang gasolina at krudo. Inaasahang susunod na magtatapyas ng presyo ang iba pang oil companies sa susunod na linggo.

Ang bigtime rollback sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng tensyon na namamagitan ngayon sa Saudi Arabia at Russia. May kinalaman ang COVID-19 pandemic sa nabanggit na tensyon.

Bumaba ang demand sa oil dahil sa paglaganap ng COVID-19 sa buong mundo. Apektado ng pandemic ang transportasyon dahil sa travel restrictions na ipinatutupad ng mga bansang apektado ng virus. Nagsara rin ang maraming pabrika na gumagamit ng mga langis dahil sa health crisis na nararanasan sa buong mundo.

Imahe mula sa Phoenix Petroleum Philippines

Dahil dito ay nagpulong sa OPEC headquarters ang malalaking exporters ng mga langis, kabilang na ang Saudi Arabia, at napagkasunduan na magbawas sa produksyon para maitaas ang presyo ng langis. Nanawagan ang OPEC sa Russia at iba pang bansa na non-OPEC members na sundin ang desisyon ng OPEC na magbawas ng produksyon.

Hindi pumayag ang Russia na bawasan ang produksyon nito na ikinagalit ng Saudi Arabia. Bilang ganti, ibinagsak ng Saudi Arabia ang presyo ng langis nito at dinagdagan din ang kanilang oil production.

Loading…